Sagot ni Juliana sa final question ng Miss Q& A nag-viral; pinaiyak ang mga nanay
NAGING trending topic sa social media ang naging sagot ni Juliana Parizcova Segovia sa final question ng Miss Q And A ng It’s Showtime.
Ginanap ang grand finals ng Miss Q And A last Saturday sa Newport Performing Arts ng Resorts World Manila kung saan si Juliana nga ang itinanghal na winner.
Nagmarka ang sagot ni Juliana hindi lang sa mga hurado ng Miss Q And A kundi pati na rin sa madlang pipol, lalo na sa mga miyembro ng LGBT community. Pinaiyak din niya ang mga nanay na na-touch sa kanyang final answer.
Ang final question sa Top 3 finalists ay, “Sa iyong palagay ano ang pinakamahirap na tanong at bakit?” Naging sentro ng sagot ni Juliana ang pagmamahal niya sa kanyang ina.
“Bilang isang kontesera at bilang isang bakla ay alam nating lahat na wala kaming kinatatakutang laban, wala kaming inaatrasan.
“Pero ang pinakamahirap na tanong na narinig ko ay kung ano ang kinatatakutan ko at alam niyo ba kung ano ang kinatatakutan ko, ‘yon ang mawala ang aking ina sa tabi ko,” aniya pa.
Pagpapatuloy pa ni Juliana, “Siya ang dahilan kung bakit ako nandito, lalaban at nagpupursigi, siya ang aking mata, bibig, tenga, kamay, at mga paa, ‘pag siya ang nawala, hindi ko alam kung paano pa ako lalaban.”
Binigyan ng standing ovation ng mga nasa Newport Performing Arts si Juliana. Bukod dito, umani rin ng mga positibong comments mula sa mga netizens ang sagot ng kauna-unahang Miss Q And A winner.
Tinanghal na 2nd runner-up si Lars Pacheco ng Bulacan habang 1st runner-up naman si Matrica Mae Matmat Centino mula sa Samar.
In fairness, tanggap na tanggap naman nina Lars at Matmat ang pagkapanalo ni Juliana, deserving naman daw ito sa napanalunang titulo dahil alam nilang matindi rin ang pinagdaanan ni Juliana sa Miss Q&A.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.