Pagkontra ng DepEd sa drug test sa Grade 4 suportado ng Palasyo
SUPORTADO ng Palasyo ang posisyon ng Department of Education (DepEd) na pagtutol nito sa panukala na isailalim ang mga bata sa elementary, partikular ang nasa Grade IV, sa drug test.
Sa isang briefing sa Cagayan de Oro, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na gaya ng naunang posisyon ng Malacanang, ipinauubaya ng Palasyo sa DepEd ang desisyon kaugnay ng isyu.
“Noong huli pong Palace press briefing natin sabi ko po that the Palace will defer to the position of the DepEd. Nagsalita na po si Secretary Briones ang Dangerous Drugs Act daw po ay ipinagbabawal ang drug testing sa elementarya. Pupuwede lang tayong magkaroon ng drug testing po sa high school,” sabi ni Roque.
Idinagdag ni Roque na bagamat wala pang desisyon ang Korte Suprema kaugnay ng ligalidad ng drug testing sa mga estudyante, random drug testing lamang sa high school ang pinapayagan ng Supreme Court ng Amerika.
“Sa Amerika po ay in-uphold as constitutional ang random drug testing sa high school students pero iyong isa naman po na mandatory drug testing sa high school, iyan po ay… it was struck down as being unconstitutional, dahil ito po ay mandatory at hindi lamang random,” ayon pa kay Roque.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.