MULING nagbabalik ang anthology program ng GMA na Stories for the Soul tampok ang isang kuwento ng pamilya, pagmamahal at pagtitiwala.
Bibida sa episode na pinamagatang “Maghihintay Ang Walang Hanggan” ang Kapuso stars na sina Sheena Halili, Diana Zubiri at Wendell Ramos bilang sina Racquel, Leila at Jack.
Hango sa istorya sa Bibliya nina Jacob, Rachel at Leah, iikot ang kwento sa tatlo na siyang biktima ng pagkukunwaring ginawa ng kanilang ama na si Teban (Rolly Inocencio).
Magpapakasal na sana sina Jack (Wendell) at Racquel (Sheena) ngunit hindi ito matutuloy dahil nabuntis ng kanyang nobyo ang nakatatandang kapatid na si Leila (Diana).
Para maisalba ang reputasyon ng kanilang pamilya, inalok ni Teban si Jack na kunyaring pakasalan ang anak na si Leila.
Dahil sa pangakong peke lamang ang kasal at maaari silang magpakasal ni Racquel matapos ang dalawang taon, pumayag si Jack.
Paano kung malaman nina Jack at Racquel na legal pala ang kasal nito sa kapatid at niloko sila ng kanilang ama?
Magtagumpay kaya si Teban sa pagdidikta sa buhay ng kanyang mga anak o mas umangat ang pagmamahalan nina Jack at Racquel?
Hosted by Sen. Manny Pacquiao, abangan ang kabuuan ng istorya sa Stories for the Soul ngayong Linggo pagkatapos ng Dear Uge sa GMA.
q q q
Sa ikatlong yugto ng action-packed GMA FantaSeries na Moribito: Final, isang malaking kaguluhan ang mamumuo sa apat na kaharian: ang Yogo, Kanbal, Rota, at Talsh.
Makikipagsapalaran ang tagabantay na si Balsa (Haruka Ayase) na tubong Kanbal at si Chagum (Masahiro Higashide), ang prinsipe ng Yogo.
Hahanapin nila ang susi sa pagpapataob sa mananakop na prinsipe ng Talsh na si Rawul.
Sa paglalakbay nila ay malalaman ni Balsa ang sikreto ng pinagmulang bayan na Kanbal, habang makakahanap naman ng kakampi si Chagum mula rito at sa Rota.
Magawa kaya nilang magtagumpay sa pakikipaglaban sa Talsh?
Subaybayan ang kuwento ng fantasy series na Moribito Final simula ngayong Hunyo 25, 8:50 a.m. sa GMA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.