Jeff Chan nakuha ng Barangay Ginebra Kings
SA hangaring mapalakas ang tsansang makapasok sa playoffs ng 2018 PBA Commissioner’s Cup, kinuha ng Barangay Ginebra Gin Kings ang serbisyo ng beteranong sharpshooter na si Jeff Chan mula sa Phoenix Fuelmasters nitong Lunes.
Ipinamigay ng Gin Kings ang kanilang first round pick sa 2018 PBA Rookie Draft kapalit ni Chan.
Sa pagkuha kay Chan, napalakas ng Barangay Ginebra, na kasalukuyang nasa ikasiyam na puwesto sa team standings, ang kanilang wing position at outside shooting.
Ang Gin Kings ay may tatlong panalo lamang sa walong laro at kinakailangang walisin ang kanilang huling tatlong laro para makaiwas sa anumang kumplikasyon para makapasok sa playoffs.
Ang 34-anyos na si Chan ay maaasahang scorer kung saan may average siyang 11.6 puntos mula sa 38 percent shooting mula sa 3-point area ngayong kumperensiya.
Ang dating national team mainstay ay nagtapos na may 26 puntos kontra Rain or Shine Elato Painters sa kanyang huling laro para sa Fuel Masters noong Sabado.
Inaasahan naman na makakapaglaro na si Chan para sa Barangay Ginebra kontra Columbian Dyip Miyerkules ng gabi.
Ikinatuwa naman ng beteranong swingman ang paglipat nito sa Barangay Ginebra.
“Of course, I’m excited. I just want to help them in any way possible,” sabi ni Chan. “Hopefully, we’ll have a good run in our last three games.”
Bagamat maraming dahilan kung bakit may mga manlalaro ang natutuwa na makapaglaro sa Barangay Ginebra, sinabi ni Chan na ang oportunidad na makapaglaro kay head coach Tim Cone ang isa sa pinakaaabangan ng manlalaro.
“I’m looking forward to playing under coach Tim. He’s one of the greatest coaches here. I just wanna learn from him,” sabi pa nito.
Natutuwa rin si Chan na makasama ang dati niyang kakampi sa Gilas Pilipinas na si LA Tenorio.
Sinabi rin ng 6-foot-2 na si Chan na nakausap na niya sina Cone at Tenorio at sasabak na siya sa kanyang unang practice sa Barangay Ginebra ngayong Martes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.