TAPATAN tayo.
Huwag na natin lagyan ng halaga, kesehoda P10,000 o P42,000 man ang budget kada buwan, ang totoo, hikahos pa rin.
Huwag na nating pag-usapan pa yang batayan ng National Economic Development Authority o NEDA at maging ng ilang mga labor groups, Doon na lang tayo sa actual.
Ang totoo, lahat nag-adjust sa paggastos dahil sa lumaki o lumubo ang gastusin.
Kahit pa nga P100,000 ang kita o suweldo mo sa isang buwan, sa pagtaas bigla ng mga bilihin at maging ng iba pang bayarin, talagang may pagbabago kang gagawin sa kung paano ka gumagastos sa araw-araw.
Huwag na yung gastos ng pangkaraniwang obrero, yung gastos na lang ng sa inaakala mo ay may laban na ang suweldo.
Breakdown tayo.
Saan mapupunta ang perang sahod mo sa isang buwan?
Eto: Upa sa bahay, P20,000; kuryente (Meralco Bill) P6,000; Broadband bill, P3,000; tubig, P1,000; grocery P4,000 (yung sa pinakamurang grocery na ha na may wet section); gasolina, P4,000 (yung dating napagkakasya ng P3,000), allowance ng anak (number 1) P5,000; allowance ng anak (number 2), P5,000 o ilan na ang total? Nasa P48,000 na! So may P2,000 ka pa? Eh naglambing ang anak, “Ma, Jollibee o Mcdo naman tayo..” so sige sagad mo na, P1,000. May P1,000 ka pang tira. E, may cellphone ka, pre-paid, sabihin na nating yung promo ng 7-days na kaya na sa P100, so may P900 ka pa! Eh may labahin ka pa? Kapag ikaw ang naglaba, bibili ka ng sabon, may effort at pagod, mga P200, pero kung magpapalaba ka, sabon plus labor, P700, so ang latak na lang ay P200. Tama ba ang Math ko?
Ang punto, sa pangkaraniwang pakikipagbuno sa buwan-buwan, ang P50,000 na sahod nga kapos na kapos, paano pa kaya ang P10,000?
Paano pa kung buwan na ng enrolment? Hayun, mag-iisip ka kung paano mo bubunuin yun.
At bukod sa tuition, may libro, uniform at ilan pang gamit sa eskwela. Tantsahin natin, sa paunang bagsak sa enrolment, hindi bababa sa P40,000 ang gastos, at isang ulo pa lang yan.
Paano na kung dalawa? Laban lang!
E, paano naman kung may biglaang gastos? Gaya nang pag may nasira sa sasakyan at kailangan ipakumpuni? Nasa P6,900 na. Daanin sa negosasyon. Puwede bang P4,000 na lang? Yun lang ang kaya. Tititigan ka, hindi maniniwalang yun na lang pera mo. Pero kahit papaano ay makakahirit ng discount,
But wait! There’s more.
May gamutang kailangang pagdaanan! So inom ng gamot, yung gamot P200 per tablet. Tanong ka ngayon, may generic brand ba? Wala raw pero meron branded din pero P60 ang isa. So, doon na tayo sa tig-P60.
Sa Amerika, karaniwan na ang mga kuwento ng mga dala-dalawa ang trabaho.
Sa Pilipinas, paano pa magdadalawa ng trabaho kung sa traffic pa lang ubos na ang oras mo?
Tapatang usapan. Hindi pagdaing.
May iba namang marangal na paraan para dagdagan ang buwanang sahod para mas matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan. Kung hindi ka papasok sa sariling negosyo, wala ka talagang aasahan kung sahod lang. So laban!
Buhay pa, may talino naman, may kakayanan, sige lang, laban tayo.
Hindi kaya pa, kundi kaya yan! Ang huwag lang ipilit ay ang sapat ang P10,000 kahit pa itaas yan sa P15,000 isang buwan lalo pa’t may pamilyang itinataguyod.
Sahod nga ng isang reporter na P18,000 na walang pamilya, hindi kasya sa kanya, solong katawan lang. Paano pa yung may itinataguyod na pamilya?
Ang magsabing hindi nararamdaman ngayon ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang gastusin ay nakapinid ang mga mata kundi man nakatingin sa ibang direksiyon. Ang kahirapan ay napagtatagumpayan, ang paghihikahos ay nalalampasan, ngunit huwag itangggi ang katotohanan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.