Ang P10K budget ng NEDA at ang bansag na crybabies ng DBM | Bandera

Ang P10K budget ng NEDA at ang bansag na crybabies ng DBM

Bella Cariaso - June 10, 2018 - 07:15 PM

UMANI ng mga batikos ang naging pahayag ng ng National Economic Development Authority (NEDA) na kayang mabuhay ng isang pamilyang Pinoy na may limang miyembro sa P10,000 budget sa isang buwan.

Bukod sa pagpapakita ito ng pagiging insensitibo ng mga opisyal ng gobyerno, nagpapalusot na lamang ang mga opisyal dahil sa kabiguan nilang gampanan ang kanilang tungkulin para gumanda ang buhay ng mga Pinoy.

Kaliwa’t kanan ang pag-aray ng mga tao sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin na pinapalala ng epekto ng pagpapatupad ng TRAIN law.

Inutil na nga ang gobyerno na bigyan ng solusyon ang problema sa pagtaas ng mga bilihin, mariringgan mo pa ang mga opisyal ng mga parinig sa mga mamamayan.

Hindi ba’t kamakailan lamang, tinawag ng Department of Budget and Management (DBM) na “cry-babies” ang mga Pilipino dahil sa masamang epekto dulot ng TRAIN law.

Nauna nang ipinagmalaki ng gobyerno na lumaki na ang takehome pay ng mga ordinaryong empleyado matapos namang tanggalan ng binabayarang buwis ang mga sumusweldo ng P22,000 kada buwan.

Maraming Pinoy ang natuwa noong una dahil lumaki nga naman ang takehome pay nila pero kalaunan, unti-unti nang nawala ang silbi nito dahil nga sa pagtaas ng mga bilihin.

Lumiit lalo ang halaga ng pera dahil sa nangyayaring pagtaas ng mga binabayaran ng mga mamamayan.

Ang masakit, sasabihan pa ng NEDA na kayang pagkasyahin ng isang pamilya na may limang miyembro ang P10,000 budget kada buwan.

Nagbigay pa ng breakdown ang NEDA na napakalayo sa reyalidad.

At dahil sa batikos na natanggap, binawi ito ni NEDA chief Ernesto Pernia at sinabing ang P42,000 kada buwan para sa pamilyang may limang miyembro ang mas makatotohanan kita kung saan dalawa ang nagtatrabaho sa pamilya at kumikita ng P21,000 kada isa.

Malaking insulto kasi na sasabihin ng NEDA na kailangan lamang ng isang pamilyang Pinoy ng P127 kada araw para mabuhay.

May palusot pa ang NEDA na ito ay “hypothetical” lamang.

Kahit kasi sabihin ng gobyerno na kailangan lamang magtipid ng mga tao para mapagkasya ang napakaliit na budget ng isang pamilya, hindi ito posible dahil sa napakataas na bilihin.

Ang masakit pa nito habang sinasabi ng NEDA na magtipid ang mga Pinoy at sabihin naman ng DBM na wag maging “crybabies” ang mga mamamayan, makakarinig ka pa na P3,800 ang ginagastos ng isang opisyal ng PhilHealth para sa kanyang araw-araw na hotel accommodation na ipinababayad sa gobyerno.

Bago sabihan na magtipid ang mga Pilipino, dapat na unahing turuan ang mga appointed officials kung paano hindi dapat lustayin ang pera ng bayan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Napakalalaki ng sweldo ng mga opisyal ng gobyerno kayat hindi sila apektado ng epekto ng TRAIN law.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending