Gov’t exec namutla nang inihahayag ni Du30 ang susunod na sisibakin
DA who ang isang mataas na opisyal ng gobyerno na kitang-kita ang pamumutla ng mukha habang inihahayag ni Pangulong Duterte ang kanyang susunod na sisibakin dahil sa isyu ng junket at umano’y katiwalian sa gobyerno.
Nitong nakaraang mga araw, sunod-sunod ang paghahayag ni Duterte ng mga opisyal na sibak sa puwesto at kapansin-pansin ang pag-iba ng mukha ng isang government exec nang biglang ihayag ni Digong na meron na namang isusunod sa sibakan.
Magkasunod na araw na naghayag si Duterte ng mga opisyal na tanggal na rin sa puwesto.
Unang naghayag si Duterte ng pangalan na tsugi na sa isang pagtitipon sa Malacañang kung saan tinanong pa niya kung nasa crowd ang opisyal na tinutukoy at sabay sabing, “You’re fired”.
Ang tinutukoy ni Duterte ay ang sinibak na si Government Corporate Counsel Rudolf Philip Jurado.
Nang sumunod na araw, nasa Bureau of Customs (BOC) naman si Digong para saksihan ang pagsira sa mga smuggled na motorsiklo.
Sa kanyang talumpati, biglang inihayag ni Duterte na may sisibakin na naman siya dahil sa kuwestiyonableng mga biyahe sa ibang bansa, partikular sa Europe at Singapore.
At habang nagsasalita si Digong, kapansin-pansin ang pag-iba ng mukha ng isa sa mga nakaupo sa itaas ng entablado na halatang namutla at kinakabahan.
Nakahinga lamang ng maluwag ang opisyal nang binanggit na ni Digong ang pangalan ni Customs Deputy Commissioner Noel Prudente, na isinasangkot sa umano’y anomalya sa BOC na iniimbestigahan ng Kamara.
Gusto nyo ba ng clue? Napakaraming isyu ang kinasasangkutang ng opisina at mga ahensiyang nasa ilalim ng opisyal, bukod pa rito ang mga junket niya at ng ibang opisyal na nasa ilalim niya.
Katunayan, nagbitiw na ang isang opisyal na nasa ilalim niya dahil sa daang-daang milyong pondo ang kinukuwestiyon ng Commission on Audit (COA) na ginastos ng ahensiya.
Swerte lang ang opisyal dahil may malakas na backer.
Kilala nyo na ba ang opisyal na tinutukoy ko?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.