TAHASANG sinabi ng Palasyo na malabo ang hinihinging isahang umento sa sahod sa buong bansa matapos namang ipanawagan ang P750 minimum wage para sa mga manggagawa.
Sa isang panayam, iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang mga regional wage boards ang magdedermina kung nararapat nga ang taas sweldo sa mga empleyado at kung magkano ito.
“Alam ko po merong mga nananawagan ng national wage increase. Ang problema po, alam n’yo naman ang trabaho ng Ehekutibo, kami po ay nagpapatupad ng batas at meron pong batas na bumuo nitong mga Regional Wage Boards.
Sa ngayon po hanggang walang bagong batas, ang ating wage increases po will really have to be implemented in a regional basis,” sabi ni Roque.
Nauna nang nanawagan ang mga grupo ng mga manggagawa para sa P750 na minimum na arawang sahod para sa mga empleyado.
Idinagdag ni Roque na malabong maglabas si Pangulong Duterte ng executive order para sa isahang umento sa sahod.
“Pero lahat naman po ay ginagawa ng Presidente ‘no. So, iyong panawagan niya puwede namang magsabay-sabay mag-convene na iyan at pag-aralan talaga kung itataas talaga ang minimum wage,” ayon pa kay Roque.
Kasabay nito, sinabi ni Roque na nakatakda ring pulingin muli ni Duterte ang kanyang Gabinete para talakayin ang epekto ng TRAIN law sa mga produktong petrolyo sa harap naman ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
“Ito po ay panimula pa lamang, dahil pagdating po ng Gabinete, iyong meeting ng Gabinete sa a-onse ay magkakaroon pa po ng call for proposals kung paano lalabanan itong pagtaas ng presyo,” sabi ni Roque.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.