TATLO na namang tao na sangkot diumano sa krimen ang natagpuang patay sa Pangasinan ma-tapos pagbabarilin ng mga di pa kilalang salarin sa bayan ng Sto. Tomas kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Senior Insp. Ryan Manongdo, tagapagsalita ng Pangasinan provincial police, ang mga nasawi bilang ang magkapatid na Nelson at Darwin Taguinod, ng Brgy. San Marcos, at si Tomas Marzan, ng Brgy. Sto. Nino.
Pinagbabaril ang mga Taguinod sa Brgy. San Agustin alas-4:30 at halos kasabay nito ay pinagbabaril din si Marzan, na bayaw ng isa sa magka-patid, sa Brgy. Laluna, ayon kay Manongdo.
Pawang mga sakay umano ng motorsiklo ang mga salarin, aniya. Ayon naman sa isang police source, ang mga nasawi ay pawang mga kasapi ng isang sindikato ng gun-for-hire.
“May mga kaso sila, mababa sa lima ang napatay nila sa iba-ibang town (ng Pangasinan),” sabi ng source, na tumangging magpalathala ng pangalan dahil sa kawalan ng awtoridad magsalita.
Naganap ang mga pamamaslang wala pa isang linggo matapos matagpuang patay ang tatlong lalaki, na sangkot diumano sa bentahan naman ng iligal na droga, sa loob ng isang tricycle sa Dagupan City noong Hunyo 21.
Noong Hunyo 8, limang lalaking sangkot naman diumano sa pagnanakaw ang pinagtataga at pinagbabaril sa loob ng tinutuluyan nilang kubo sa bayan ng Bugallon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.