ANO’NG dahilan ng inyong alitan? Di ba ang magsimbuyong damdamin, nagdidigmaan sa kalooban? Ang naiinggit ay walang makakamit. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Jaime 4:1-10; Slm 55:7-11, 23; Mc 9:30-37) sa paggunita kay Santa Rita de Cascia
Patungo ba sa inggit (sa bilang ng kakampi) ang bangayang Sereno, ayon sa basa ng magtataho sa palengke sa Tabing Ilog, Marilao, Bulacan? Naiinggit ba ang walang SALN sa may SALN? Nasaan ang mga SALN? Bakit hanggang ngayon, wala pa siya? Tanong ng magtataho.
Sa kuwenta ng magtataho, napakalaking puhunan (pera) na ang nagagasta ni Sereno simula nang magbakasyon, masibak at hanggang ngayon. Pera ba si Sereno ang ginamit? Pera ba ni Aquino (para sa magtataho, llamadong manok ni Aquino si Sereno, pero di pa inilalarga, olatchika na)?
Dahil babanggain ng Senado and SC, alalahanin ang mga nagpa-impeach kay Corona: Edgardo Angara, Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Franklin Drilon, Francis Escudero,
Jinggoy Estrada, TG Guingona, Gregorio Honasan, Panfilo Lacson, Lito Lapid, Loren Legarda, Sergio Osmeña III, Francis Pangilinan, Aquilino Pimentel III, Ralph Recto, Bong Revilla, Tito Sotto, Antonio Trillanes, Manny Villar at Juan Ponce Enrile. Tito SP na siya at bagahe niya si Corona.
Halos kalahati ng mga pari sa teritoryo ng Diocese of Malolos ay bitbit si Sereno sa mga homilia; at kahit sa healing Mass. Wala na ang mga Kastila kaya di na sunud-sunuran ang mga nagsisimba sa kanila. Alam ni Justice Secretary Menard Guevarra, deboto sa National Shrine of the Divine Mercy, na hindi makatutulong ang mga pari sa usaping legal ni Sereno. Tapos na si Sereno, di na mababago ang G.R. 237428.
Sabik na ang mga balo’t naulilala sa pagsapit ng Hulyo. Dahil sa paglaho ni Conching, mababago na ang asunto kay Aquino sa homicide, sa pagpatay sa SAF 44. Manganganak ang kaso ng “stand down,” dahil ilang retired AFP generals ang magssalita na hindi sila inutusang saklolohan ang nakubkob na SAF. Ang langit ay nakamasid at di natutulog.
Una kong nasilayan si Berna Puyat sa panahon ni GMA. Pagkatapos, nakalimutan ko na siya. Matalinong babae, dahil lahing Romulo, na ang aking kilala ay isang henyong nakasalamin sa kalye Maginhawa, Teachers Village, QC. Di ko makalimutan si Berna dahil maganda ang legs niya. Nahawa yata ako kay John Gokongwei, na sukdulang tagahanga ng legs. Pumapangit lamang ang legs ng babae kapag sinira ng kulubot ng tuhod, lalo na kung medyo maitim at may kalyo pa. Pot-pot-pot (busina).
UST (Usaping Senior sa Talakayan, Harmony, Muzon, San Jose del Monte City, Bulacan): Tatlong seniors (retired government officials) ang nabubulok na ang mga bahay. Ibinili ng lupa’t ipinagpatayo ng bahay ang kanilang malaking retirement. Noon, ang tsismis ay unexplained wealth. 10 Years After (fan kami ng bandang yan), unexplained poverty na ang sinapit ng tatlong seniors dahil sa buwan-buwan na pagtaas ng presyo ng maintenance medicines. Sen. Sonny Angara, tulungan mo kami.
PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Ebanghelyo, Prenza 1, Marilao, Bulacan): Dalawang madam seniors ang naglabas ng matinding galit sa kanilang mga asawa na sumakabilang-bahay, pero matatag sina lola dahil di naman purdoy ang kanilang pamilya. Nag-OT ang Nilayan dahil pinabayaan lang namin silang maglabas ng matinding sama ng loob, na tila itinago ng ilang taon. Pagkatapos ng mahabang poot, nagtuloy kaming tatlo (umuwi na ang iba) sa malapit na kapilya at nagpasalamat sa Diyos dahil matatag na sila pagkatapos ng problema.
qqq
PANALANGIN: Jesus, baguhin ang hangad na [dapat] palaging nauuna at bida at nakalalamang at panalo. Dapat ang maliit na silid ni Santa Marta, at di Palasyo ng Santo Padre. Claret.
MULA sa bayan (0916-5401958): Wala na akong kombong at makasalanan. Namumuhi pa rin ako sa mga teroristang Moro. Masisisi ba ako? Tinanggalan ako ng Maute at Hapilon ng kabuhayan. …2721, Poblacion, Marawi City
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.