WALANG nakitang pagbabago ang publiko sa katatapos na barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Marami pa ring botante ang hindi mahanap ang kanilang pangalan sa listahan kaya hindi nakaboto. Kaya naman inggit sila sa mga patay na nasa listahan pa rin ang pangalan.
May mga kwento pa rin ng flying voters at bilihan ng boto. At siyempre kanya-kanya ng bintang ng pandaraya ang mga magkakalabang kampo. Alam mo naman ang maraming Pinoy (hindi lahat) dalawa lang ang resulta ng halalan—nanalo at nadaya.
Alas-3 ng hapon isinara ang botohan at gabi na natapos ang bilangan pero marami pa ring guro ang inumaga dahil sa dami ng mga papel na kailangan nilang ayusin.
At kahit na tapos na, kailangan pa ring maghintay ng mga guro ng sasakyan na otorisado ng Commission on Elections na maghakot ng mga balota papunta sa city hall o munisipyo.
Nagpasalamat ang mga guro dahil mas malaki na ang bayad sa kanila ngayon kumpara sa mga naunang halalan—P6,000 sa chairman at P5,000 sa mga miyembro at P1,000 transportation allowance– pero napansin nila na mas dumami naman ang bilang ng mga botante sa bawat klasrum.
Kung dati kasi ay isang presinto bawat klasrum, ngayon ay dalawang presinto ang nasa isang klasrum.
Mas maraming botante, mas maraming boto na bibilangin. Mano-mano pa naman.
Inulit ng Comelec ang paraan ng pagbabayad sa mga guro sa pamamagitan ng cash card.
Bago ang sistemang ito ay pipila ka para kunin ang cash, ngayong pumipila ang mga guro para makuha ang kanilang cash card. Tapos ay kanya-kanya nang punta at withdraw sa mga automated teller machine.
May mga nagreklamo, nakuha nila ng maaga ang cash card pero pagpindot ay wala namang laman.
Nalagyan din naman ng laman makalipas ang ilang oras o araw.
Pero may mga titser na dismayado dahil sa ATM nila kukunin ang kanilang honorarium kaya hindi raw nila makukuha ang barya.
Katulad nung isang nag-withdraw, nag-inquiry siya ang nakalagay ay P6,100. Tapos siningil siya ng P2 ng ATM nang mag-print ng resibo kaya ang natira ay P6,098.
Ang tanong niya ay kung paano niya makukuha ang P98 e hindi naman maglalabas ng barya ang ATM?
Ano ngayon mangyayari sa P98 niya na pwede sanang ipambili ng dalawang kilong bigas?
Gusto sana niyang mag-over the counter para makuha ang P98 kaya lang hindi niya alam kung saan mayroong bangko ng Development Bank of the Philippines.
Nabawasan na nga raw ng limang porsyentong withholding tax ang honorarium, na kailangan pang asikasuhin para makuha, nabawasan pa ang kanyang aktwal na natanggap.
Sa eleksyon sa Mayo ganito pa rin daw kaya ang sasapitin nila? Kung magbabago, sana ay huwag naman daw lumala pa ang problema.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.