Pinatutulog sa ibabaw ng washing machine | Bandera

Pinatutulog sa ibabaw ng washing machine

Susan K - May 09, 2018 - 12:10 AM

KAMAKAILAN lamang napabalitang pinatutulog ang isang Pinay OFW sa ibabaw ng washing machine na pinatungan lamang ng karton sa bahay ng amo nito sa Hong Kong.

Hindi nga naman kasama sa mga isinusumiteng requirement ang tulugan nang kinukuha nilang OFW.

Basta may kakayahang magpasuweldo, walang rekord na hindi ito magandang employer, maaari na siyang kumuha ng OFW upang makasama nila bilang kasambahay.

Kadalasan pa ngang pinatutulog sila sa kuwarto ng mga alagang bata o di kaya’y sa kusina. Yung mga walang kuwarto para sa kanilang kasambahay, maglalatag na lamang sa sala ang OFW at iyon ang kanyang tulugan.

Kaya naman kahit hatinggabi na at antok na antok na si kabayan, hindi pa rin siya puwedeng matulog hanggang nasa sala ang mga amo.

Sabi nga ng Bantay OCW, bakit hindi obligahin ng pamahalaan sa pamamagitan ng Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong na kailangang magsumite rin ang employer na may tutulugan nga ang OFW o litrato man lang kung saan matutulog ang kanilang domestic helper?

Palibhasa’y may mga probisyon sa kontrata ng OFW na hindi ganoon ka klaro o “vague” ‘ika nga, kung kaya’t nakipagpulong ang ilang opisyal ng ating Konsulado sa Hong Kong government upang magkaroon ng annex section para sa naturang mga probisyon sa employment contract ng kanilang mga dayuhang manggagawa.

Makakatulong umano ang annex na ito sa pagsasaad ng working hours, food allowance, rest days at baggage allowance ng mga OFW.

Kasama rin ang matagal nang kahilingan ng mga foreign domestic workers ng Hongkong na sana’y magkaroon sila ng fixed working time.

Kaya nga lamang, hindi iyon naaprubahan ng HK Labor department dahil ang mga local workers mismo doon ay wala ring fixed working time at hindi rin umano sukatan iyon ng bigat ng trabaho ng mga kasambahay kahit may takdang panahon pa ng kanilang pagtatrabaho.

Mahirap din naman iyon kung tutuusin. Hindi naman mga makina o robot ang ating mga OFW.

Kailangan din ng katawang tao ang pagkakaroon ng sapat na tulog at pamamahinga.

Kapag nasa loob kasi ng bahay ng amo, hanggang gising ang employer, parang wala ring karapatang matulog o mamahinga ang kasambahay.

Bihira lang din kasi kung matatapat sila sa mga among makonsiderasyon, na hahayaang patulugin na ang kanilang mga kasama kahit pa marami pang gawaing bahay at ipagpapabukas na lamang iyon.

Ito ang tunay na kalagayan ng ating mga OFW na pawang mga kababaihan sa Hongkong.

Hindi na rin nila ipinaaalam sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas ang kanilang kondisyon doon.

Ayaw rin umano nilang nag-aalala pa sa kanila ang mga mahal sa buhay at handang tiisin ang lahat sa ngalan ng pag-ibig sa pamilya.

 

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending