From bar top notcher to ’Wanbol U graduate’
NAG-AABANG ang lahat sa magiging desisyon ng Supreme Court sa quo warranto case laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
May mga nagsasabi na maglalabas na ng desisyon ang Supreme Court sa kaso bago pa man magkabotohan sa impeachment complaint na nakabinbin naman sa Kamara de Representantes.
Sa susunod na linggo, Martes o Miyerkules, ay posibleng magkabotohan na sa plenaryo ng Kamara. At inaasahan na mai-impeach si Sereno lalo at one-third lang o 98 sa 292 kabuuang bilang ng mga kongresista ang kailangan para maaprubahan ang reklamo at maiakyat sa Senado.
Kung ‘yung majority o mahigit sa kalahati ay makukuha nila, ‘yung one-third pa kaya.
Mukha namang alam na ni Sereno na tagilid siya sa Kamara bago pa man matapos ang pagdinig ng House committee on justice. At kumpirmasyon dito ang hindi pagpayag ng komite na matanong ng mga abogado ni Sereno ang mga testigo na humarap sa pagdinig.
Ang gusto ni Sereno ay sa Senado na sila magtuos ng mga kumakalaban sa kanya dahil may laban siya roon. Makakapagtanong ang kanyang mga abogado at makukumpronta ang mga ebidensya at testigo.
At siyempre hindi hawak ng Malacanang ang lahat ng senador kaya baka mahirapan na kunin ang two-thirds vote na kailangan. Kung 23 ang senador sa kasalukuyan dahil nagbitiw si Sen. Alan Peter Cayetano nang tanggapin niya ang pagiging kalihim ng Department of Foreign Affairs, ang kailangan ay 16 para masibak si Sereno.
Sa bilangan ngayon, marami ang nagsasabi na malabong maalis si Sereno.
Ito ang sinasabing dahilan kung bakit hindi nagbotohan sa Kamara noong Marso kahit na kaya naman nila.
Kaya naman para maiwasan ito, ang mas malinaw na pag-asa ng mga anti-Sereno ay ang quo warranto case na mas madali at mas matipid kahit pa may mga senador na nagsabi na dapat ang Senado na ang magdesisyon kung aalisin si Sereno o hindi.
At saka baka may mapahiya na namang mga kongresista na sasablay ang performance sa paglilitis.
Ano nga kaya ang mauuna, mai-impeach o masisibak?
***
May mga nagsasabi rin na kung matatanggal na si Sereno sa pamamagitan ng quo warranto case ay mapapaaga rin ang pagpapalit ng liderato sa Senado.
Ang kuwentuhan, hindi pa mapalitan si Senate President Koko Pimentel ni Sen. Tito Sotto dahil sa impeachment na isang legal proceedings.
Si Pimentel ay isang bar topnocher kaya naman mas lamang siya at mas alam niya ang gagawin kumpara kay Sotto na hindi abogado. Wala namang masama kung hindi abogado dahil hindi naman ito requirement sa pagtakbo sa pagkasenador.
Hirit nga ng isang miron, ang liderato ng Senado ay “from barnotcher to Wanbol University graduate (Remember Iskul Bukol?).
Hindi ko po hirit “yan, at hindi ko tinatawaran ang kakayanan ni Sen. Sotto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.