Mangrobang pasok sa World Triathlon Team Project
IKALIMANG puwesto lamang ang tinapos sa Southeast Asian Games gold medalist ni Kim Mangrobang sa ginanap na Asian Triathlon Union-Sprint African Cup sa Yasmine Hammamet, Tunisia subalit napabilang pa rin siya sa World Triathlon Team Project.
Nag-iisang kalahok mula sa Asia, tumapos si Mangrobang na ikalimang puwesto mula sa 19 na lumahok kabilang ang mga papaangat na triathletes mula sa Europe.
Itinala ni Mangrobang ang tiyempong isang oras, limang minuto at 42 segundo at napagiwanan lamang ng isang minuto at 16 segundo mula sa nagwagi ng gintong medalya na si Nina Eim ng Germany.
Pumangalawa si Therese Feuersinger ng Austria habang ikatlo at ikaapat sina Antoanela Manac ng Romania at Allesia Orla ng Italy.
Sinabi ni Triathlon Association of the Philippines (TRAP) president Tom Carrasco na dahil sa magandang pagtatapos ay napabilang si Mangrobang sa mga miyembro ng Asics World Triathlon Team bilang kinatawan ng Asya habang pinataas pa nito ang tsansa na makapag-qualify sa 2020 Olympics.
Makakasama ni Mangrobang ang walong iba pang atleta mula Central America at Europe sa International Triathlon Union (ITU) Project na nakatuon sa pagbibigay suporta, resources at expertise sa mga triathlete na may potensiyal na makapasok sa World Cup at Tokyo Olympics.
—Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.