LAHAT ng appointed officials ay nariyan at the pleasure of the President at puede silang tanggalin kung wala nang tiwala sa kanila.
Kaibigan man, o kaklase, o kababayan o fraternity brods ay dapat umalis kung sila’y nagkamali o nagpabaya sa kanilang tungkulin.
Sabi pa nga ni Erap, “walang kama-kamag-anak o kaibi-kaibigan” sa kanyang gobiyerno.
Dapat nangingibabaw ang kapakanan ng bansa at taumbayan sa kapakanan ng mga kaibigan.
Malungkot kaya ang puesto sa taas.
***
May isang kuwento tungkol kung gaano pinahahalagahan ng mga opisyal ng Japan ang kanilang puesto.
Isang araw, may pulis na nagpapatrolya sa kanyang beat o assignment na nanggahasa ng isang maybahay sa isang maliit na bayan sa Japan.
Ang immediate supervisor ng nasabing pulis ay nagpakamatay at ang chief of police ng bayan ay nagbitiw sa tungkulin dahil sa kahihiyan.
Wala silang kinalaman sa panggagahasa noong tarantadong pulis.
For all we know, ang kuwento ay isang urban legend o gawa-gawa lamang, pero ipinakikita ang mataas na delicadeza ng mga Hapon.
Kung ako’y matalinghaga ngayon, ipagpaumanhin ninyo.
Ako po ay may dugong Hapon.
***
Ang mga taong nag-uudyok kay Pangulong Digong na makipag-giyera sa China dahil sa pagtatayo ng missile sites sa isang isla sa Spratlys ay mga hibang.
Para silang aso na humahabol sa isang tumatakbong kotse na napadaan sa kanyang teritoryo.
Kung naabutan ng aso ang kotse, ano ngayon?
Pagpalagay natin na may karapatan tayo sa isla na pinagtayuan ng missile site ng China sa Spratly, anong gagawin natin?
Kaya ba natin silang labanan?
Baka pinulbos tayo ng China.
Walang kakayahan ang ating bansa na makipag-away sa China.
Isa pa, kaibigan na natin ang China, bakit di na lang tayo makipag-usap ng mahinahon sa kanila?
Sa kasaysayan ng China, wala pa itong sinasakop na bansa; bagkus ay sinakop sila ng America,
Netherlands, Britain at Japan.
Ang usapan tungkol sa pagmamay-ari ng Spratlys o Kalayaan ay under dispute o pinag-uusapa pa.
***
Ang Spratlys na tinatawag na nating Kalayaan ay “nadiskubre” ng explorer na si Tomas Cloma, na may-ari ng Philippine Maritime Institute o PMI habang ang kanyang barko lulan ng mga nautical students ay nag-excursion sa China Sea noong dekada ’50.
Tinawag ni Cloma ang isla na Freedomland.
Tinaboy si Cloma at ang kanyang grupo ng mga Tsino matapos nilang okupahan ang Freedomland.
Ang gobiyerno noong panahon yun ay walang interes sa “discovery” ni Cloma dahil inakala nito na may tililing si Tomas.
Noong dekada ’70, binigyang pansin ng Pangulong Marcos ang claim ni Cloma, na noon ay matanda na at uugod-ugod.
Naging malaki ang balita ang claim ni Cloma.
At dahil si Cloma ay mamamayan ng Pilipinas, may karapatan ang bansa na Freedomland na tinawag nang Kalayaan ni Marcos.
Bakit ko po alam ito? Dahil noong pumutok sa balita ay isa akong sub-editor o deskman sa Philippines News Agency o PNA noong mid-70s.
***
Kailangang gumawa na paraan ang bansa na mapalabas ang mga Filipino diplomats na nag-rescue ng mga Pinay domestic helpers sa mga malulupit nilang amo sa Kuwait.
Ang mga diplomats ay nagtatago ngayon sa loob ng Philippine embassy sa Kuwait.
Kapag sila’y lumabas ay tiyak na ikukulong sila dahil dineklara na silang persona non grata ng Kuwait.
Ang Philippine ambassador to Kuwait na si Renato Villa ay sinipa na ng Kuwaiti government sa kanilang bansa.
Ang Filipino diplomats ay nagigipit ngayon dahil sa kanilang ginawang pag-rescue ng kanilang mga kababayang Pinay.
Sila’y maituturing na mga bayani.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.