3 Abu patay, 7 kawal sugatan sa Sulu rescue ops | Bandera

3 Abu patay, 7 kawal sugatan sa Sulu rescue ops

John Roson - May 07, 2018 - 03:54 PM
TATLONG  kasapi ng Abu Sayyaf ang napatay at pitong kawal ang nasugatan nang makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang malaking bilang ng mga bandido sa Patikul, Sulu, Lunes ng umaga, ayon sa militar. Sumiklab ang bakbakan habang nagsasagawa ng operasyon para sagipin ang mga kidnap victim ng Abu Sayyaf, kabilang ang dalawang babaeng pulis na dinukot noong nakaraang buwan, sabi ni Brig. Gen. Cirilito Sobejana, Armed Forces Joint Task Force Sulu commander. Naengkuwentro ng mga miyembro ng Army 21st Infantry Battalion, na bahagi ng task force, ang aabot sa 70 kasapi ng Abu Sayyaf sa Sitio Sangay, Brgy. Buhanginan, alas-6:14. Pinamunuan nina sub-commanders Idang Susukan at Almujer Yadah ang mga naturang bandido, ani Sobejana. Si Yadah, sa isang naunang military report, ang itinuturong lider ng mga armadong dumukot kina PO2 Benierose Alvarez, PO1 Dinah Gumahad, at dalawa nilang kasamang lalaki sa Patikul noong Abril 29. Inihayag ng mga awtoridad na humingi ang grupo ng P5 milyon kapalit ng dalawang policewoman at, diumano, ay hiwalay pang P300,000 para sa mga dinukot na lalaki. Sa kasagsagan ng sagupaan nitong Lunes, ni-reinforce ng iba pang kawal ang mga napasabak na sundalo at tinugis ang mga umatras na bandido, ani Sobejana. “Artillery fires were delivered while attack helicopters provided close air support,” aniya. Unang naiulat na pitong kawal ang sugatan habang ang Abu Sayyaf ay pinaniniwalaang may mga casualty dahil sa mga bakas ng dugo na nakita sa ruta ng mga bandido. Kasunod nito’y napag-alaman ang pagkasawi ng tatlong bandido, na nakilala lang sa mga alyas na “Moktar,” “Julhadi,” at “Surayb.” “Accordingly, the three killed Abu Sayyaf members were buried immediately by their comrades,” ani Sobejana. Noong nakaraang Martes, di bababa sa tatlong kasapi ng Abu Sayyaf ang napatay at tatlong kawal ang nasugatan sa bakbakan sa hangganan ng Patikul at Talipao, habang nagsasagawa din ng rescue operation ang militar. “JTF Sulu’s forces will not stop focused military operations until all kidnap victims are safely rescued and the Abu Sayyaf’s strength is reduced to an insignificant level,” ani Sobejana.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending