IKINAGULAT ni Arnold Clavio at ng iba pang news anchor sa GMA 7 ang desisyon ni Jiggy Manicad na iwan ang pagiging broadcast journalist para pasukin ang mundo ng politika.
Nakachika namin si Igan kamakailan sa ginanap na presscon ng GMA News And Public Affairs para sa first anniversary ng Dobol B sa News TV kasama sina Mike Enriquez, Ali Sotto at Joel Reyes Zobel, at dito nga namin siya natanong tungkol sa kasamahan nilang si Jiggy.
Ayon kay Arnold, nirerespeto niya ang desisyon ng Kapuso news anchor na lisanin muna ang GMA para bigyang-daan ang pagiging public servant.
Kung matatandaan, isa si Jiggy Manicad sa listahan ng mga kilalang personalidad na posibleng lumaban bilang senador sa 2019 elections sa ilalim ng PDP-Laban.
“Respeto. Desisyon niya kasi yun, e. Pero nagulat din ako. At medyo nanghinayang kasi parang Mike Enriquez, ako, siya…parang ganu’n ang ini-expect ko na maging direksiyon namin.
“Pero kung mas makikita niyang mas makakatulong siya dun sa pinili niyang bagong bokasyon, rerespetuhin ko yung desisyon na yun,” pahayag pa ni Igan.
Inamin din niya na talagang may advantage ang pagkakaroon ng koneksiyon sa public servants sa bansa, lalo na kapag may mga taong nanghihingi ng tulong sa kanila bilang miyembro ng broadcast media.
“Kasi marami namang galing sa media na baka mas may may hinahanap siyang mas makakabuti o mas makakatulong.
“Kaya lang, hindi ko lang alam kasi pinangalanan siya, e, (ng PDP-Laban), di ko lang alam kung senado siya o lokal, di ko lang alam sa mga plano niya. Siyempre, ang ipinadarasal natin, sana malagpasan niya yung mga challenges niya and hope for the best.
“Kasi iba rin yung may kaibigan kang nakapuwesto, kasi may iba ring lumalapit sa amin, na masasakop ng komite (Senado) kung mananalo siya, na mai-refer o mailapit sa kanya.
“Iba rin yung may kasama kang dating media na nasa politics,” pahabol pa ni Igan.
Nauna na naming naibalita rito na walang balak si Igan pati na si Mike Enriquez na pasukin ang mundo ng politics. Masaya na raw sila sa pagiging tagahatid ng balita at naniniwala sila na hindi na kailangan pang pumuwesto sa gobyerno para makatulong.
Kasabay nito, nagpapasalamat din sina Igan, Mike, Ali Sotto at Joel Reyes Zobel sa patuloy na pagsuporta at pagtangkilik sa mga programa nila sa Dobol B sa News TV mula Lunes hanggang Biyernes ng umaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.