PATAY ang limang miyembro ng pamilya kabilang ang apat-na-buwang sanggol matapos sumiklab ang sunog sa isang apartment sa Bacoor, Cavite, ayon sa isang opisyal mula sa Bureau of Fire and Protection (BFP).
Sinabi ni Senior Fire Officer Emmanuel Arcallana, ng Bacoor Cavite fire station na tinupok ng sunog ang apat-na unit na apartment sa Lirio st., De Castro Village, Brgy. Aniban V, Bacoor Cavite.
Sa ulat mula sa Radyo Inquirer 990 AM, nagsimula ang sunog ganap na alas-1:50 ng umaga at dineklarang naapula na ganap na alas-4:11 ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina Christopher Moyano, 37, kanyang live-in partner Sherlyn Abalos, 27, ang tatlong anak nila, kabilang ang apat-na-buwang gulang na sanggol.
Natagpuan ang katawan ng mga biktima sa loob ng kanilang apartment, ayon pa sa ulat.
Inaalam pa ang sanhi ng sunog at ang halaga ng mga natupok na ari-arian.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.