FEU target ang UAAP Season 80 volleyball Finals
Mga Laro Ngayon, Abril 21 (Mall of Asia Arena)
2 p.m. FEU vs Ateneo (men’s semis)
4 p.m. FEU vs Ateneo (women’s semis)
Mga Laro Bukas, Abril 22 (Mall of Asia Arena)
2 p.m. NU vs UST (men’s semis)
4 p.m. DLSU vs NU (women’s semis)
PUPUNTIRYAHIN ng Far Eastern University ang unang Finals berth kontra Ateneo de Manila University sa pag-uumpisa ng Final Four ng UAAP Season 80 women’s volleyball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Ang salpukan ng No. 2 Lady Tamaraws at No. 3 Lady Eagles ay gaganapin alas-4 ng hapon.
Ito rin ang asam ng Tamaraws sa men’s Final Four kung saan hangad ng Morayta-based spikers na patalsikin sa kanilang trono ang Blue Eagles sa kanilang alas-2 ng hapon na sagupaan.
Determinado rin ang FEU na wakasan ang karibalan ng De La Salle University at Ateneo para sa kampeonato sa nakalipas na anim na taon.
Lumapit naman ang Lady Tamaraws sa hangaring ito matapos makuha ang ikalawang puwesto sa kartadang 10-4 na nagkaloob dito ng twice-to-beat advantage sa semifinals.
Nadapa naman ang Lady Eagles sa huling bahagi ng elimination round para malaglag sa ikatlong puwesto sa kartang 9-5 matapos makalasap ng dalawang sunod na pagkatalo.
Nakatutok sa pagkuha ng record na ika-30 korona, umaasa ang FEU na agad madidispatsa ang Ateneo, na hindi nakatikim ng semifinals bonus sa unang pagkakaton sa apat na taon.
Pamumunuan ni Bernadeth Pons, ang fourth-best leading scorer matapos ang elimination round at No. 3 sa digs at receive, ang FEU katuwang si Ced Domingo, na nanguna sa blocks, na magtitimon naman sa kanilang depensa sa net.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.