Alab Pilipinas patatalsikin ang Hong Kong Eastern Lions
Laro Ngayon
(Sta. Rosa City Sports Center)
8 p.m. Alab Pilipinas vs Hong Kong Eastern (Game 2)
ADIOS!
Ito ang tanging binitiwang salita ni Alab Pilipinas world import Renaldo Balkman habang kumakaway bilang simbolo ng kanyang pagpapaalam at huling pakikipagkita sa dinayuhan nitong tagasuporta ng Hong Kong Eastern Lions noong Game 1 sa best-of-three semifinals ng Asean Basketball League (ABL) sa Southorn Wanchai Stadium sa Wan Chai, Hong Kong.
Ito ang tuluyang tutuparin ganap na alas-8 ngayong gabi ng Puerto Rican na si Balkman kasama ang kapwa import na si Justin Brownlee at ang buong Alab Pilipinas sa pagtatangkang tuluyang hubarin ng korona ang nagtatanggol na kampeong Eastern Lions.
Buong lakas na isinigaw ni Balkman sa posibleng makarinig ang salitang “adios” o paalam matapos itakas ng Alab Pilipinas ang 98-94 panalo sa lugar mismo ng Eastern Lions upang iwanan ang lugar na huling pagkakataon na makapaglaro ang defending champion sa kanilang home venue.
Sinandigan ng Alab Pilipinas ang halos walang kapaguran at matinding paglalaro ni Balkman upang mangailangan na lamang ng panalo ngayong gabi upang posibleng pauwiin agad ang Hong Kong sa ABL Playoffs.
Itinala ni Balkman ang bagong kasaysayan sa torneo sa pagtala nito sa bagong ABL playoff scoring record na 46 puntos upang tabunan ang dating marka na itinala ni Justin Howard ng Singapore Slingers nakaraang taon. Itinala rin ni Balkman ang dagdag na 14 rebounds, 4 steals at 2 blocks.
“We told them we will be going put on a show. That was what the playoffs are all about,” sabi ni Balkman, na asam itulak sa unang pagkakataon ang Alab Pilipinas na makapasok sa ABL Finals.
Inaasahan naman na pilit babawi ang Hong Kong Eastern na agad nagpakita ng matinding laban sa mainit nitong pagsisimula sa unang yugto kahit hindi kasama ang head coach na si Edu Torres sa Game 1.
“It was going to take a huge effort from our part especially with how we started the ball game,” sabi ni Alab Pilipinas head coach Jimmy Alapag. “We want to be resilient, and we wanted to show the growth of our team. With the great World Imports that we have, all we can do is back them up and try to make their job easier.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.