Jennylyn Pinay version ni Lara Croft, buwis-buhay sa ‘The Cure’
EXCITED si Jennylyn Mercado na makatrabaho uli ang kanyang dating ka-loveteam and ex-boyfriend na si Mark Herras.
Muling magsasama ang kauna-unahang Starstruck Ultimate Male and Female Survivors sa bagong primetime series ng GMA, ang The Cure na mainit nang pinag-uusapan ngayon matapos lumabas ang teaser nito.
“Actually, hindi pa kami nagkikita ni Mark after ng story conference, siguro pagbalik ko galing sa US (para sa Kapuso show), when we resume our taping. Looking forward talaga ako na makatrabaho siya uli.
“Ang last teleserye pa namin ay noon pang 2014, yung Rhodora X,” kuwento ni Jennylyn sa amin nang bisitahin namin sa taping ng The Cure sa isang ospital sa Quezon City kamakailan.
Ang The Cure ay tungkol sa isang grupo ng mga doktor at espesyalista na humahanap ng gamot matapos magkaroon ng virus sa kanilang lugar kung saan ang mga biktima ay nagiging parang mga zombie.
Sa inilabas na teaser ng programa, ipinakita ang mga eksena kung saan hinahabol ng mga “zombie” si Jen at ang isa pa niyang leading man sa serye na si Tom Rodriguez. May isa pang tagpo kung saan nagkakagulo ang mga pasyente sa loob ng ospital dahil kumalat na ang killer virus.
Komento naman ng ilang netizens at fans ni Jennylyn, mala-Lara Croft sa “Tomb Raider” ang peg ng karakter niya sa The Cure dahil nga sa mga buwis-buhay stunts na ipakikita niya sa serye.
Mismong ang direktor nilang si Mark Reyes ang nagsabi na game na game si Jen sa maaaksyong eksena sa nasabing serye at ayaw daw nitong magpa-double kaya mas lalo siyang bumilib sa Kapuso Ultimate Star.
“Naku, baka naman mag-expect sila ng Lara Croft sa The Cure, ha! Hindi pa naman ako umaabot sa ganu’ng level pero bukod nga sa drama, very physical din ang role ko rito bilang nurse. And first time kong gumawa ng ganitong project kaya nakaka-excite,” paliwanag ni Jen.
May mga eksenang ginawa ang aktres sa isang mataas na abandoned building kung saan hinahabol siya ng pasyenteng nahawahan na ng killer virus. Dito kailangan niyang tumakbo at makipagbakbakan.
“Medyo delikado talaga. Pero sabi ko nga kay direk Mark, hangga’t kaya kong gawin, gagawin ko kasi gusto ko ring maging makatotohanan, yung hindi sasabihin ng viewers na double lang,” sey ni Jennylyn.
In fairness, bagay naman kay Jen ang magpaka-Lara Croft dahil bukod sa kaseksihan niya ay batak din ang katawan at stamina niya sa workout na isa sa mga bonding moments nila ng kanyang boyfriend na si Dennis Trillo.
Bukod kina Mark at Tom, makakasama rin sa The Cure sina LJ Reyes, Irma Adlawan, Jaclyn Jose, Ken Chan, Arra San Agustin at marami pang iba. Magsisimula na ito very soon sa GMA Telebabad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.