PINATAWAD na ng Philippine Basketball Association ilang araw bago mag-Biernes Santo ang dating PBA import na si Renaldo Balkman.
Pormal nang binawi ni PBA commissioner Willie Marcial ang “lifetime ban” na ipinataw ng liga kay Balkman noong 2013.
Huling naglaro sa PBA si Balkman bilang miyembro ng Petron na ngayon ay San Miguel Beer.
Nagbunga ang “lifetime ban” nang magkaroon ng alitan sa loob ng playing court sina Balkman at ang kakampi niyang si Arwind Santos sa isang laro ng Petron Blaze kontra Alaska Milk limang taon na ang nakalilipas.
“He (Balkman) wrote a letter of appeal then personally appeared in my office. But I didn’t decide just based on that. I solicited the thoughts of (former PBA) commissioner Chito Salud and Arwind Santos. Both gave their thumbs up for the lifting of the ban,” sabi ni Marcial patungkol sa kanyang desisyon na tanggalin ang ban kay Balkman.
Sumang-ayon naman si Salud, ang commissioner na nagpataw ng kaparusahan sa naturang import.
“I trust that he has learned his lesson and has become a better person and a more disciplined athlete. Good luck to him,” sabi ni Salud.
Sa isang insidente sa court ay hinablot ni Balkman sa leeg at sinakal si Santos. Ang dating player ng New Year Knicks at Denver Nuggets ay pinatawan din ng P250,000 multa sa kanyang “flagrant misconduct”.
Gayunman, nakitaan ng pagsisisi si Balkman na nangakong hindi na mauulit ang nangyari.
Si Balkman ay kasalukuyang naglalaro para sa San Miguel Beer-Alab Pilipinas sa Asean Basketball League (ABL) at malaki ang tsansang muli siyang makapaglalaro sa PBA.
“Balkman was apologetic and gave assurance for his behaviour on and off the court. He has matured since the incident now that he’s 33,” sabi ni Marcial.
Dahil dito ay maaari nang maglaro si Balkman bilang import sa PBA Commissioner’s Cup na magsisimula sa Abril 22. —Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.