SI Ronald Ho, isang inmate sa Sablayan Penal Colony sa Mindoro, ay pinatay habang nasa labas.
Walang escort si Ho nang pinayagan siyang makalabas ng Sablayan Penal Colony.
Si Ho ay nakulong dahil sa drug trafficking.
Bakit pinayagang makalabas ng bilangguan itong si Ho samantalang siya’y isang maximum security prisoner?
Siyempre, alam na natin ang dahilan: Nilagyan niya ang kanyang opisyal ng Sablayan Penal Colony.
At hindi puwedeng nakalabas si Ho at mapatay sa bayan ng Sablayan kung hindi alam ng prisons superintendent na si Francisco Abonales.
Si Ho ang nagpa-renovate ng opisina ni Abonales sa Sablayan.
Notorious na superintendent itong si Abonales.
Natanggal siya sa Iwahig Penal Farm sa Palawan dahil nagpatayo siya ng bahay sa lupa na pag-aari ng gobyerno.
Ang lupa ay sa labas ng Iwahig.
Bago siya sampahan ng demanda, ipinagbili ni Abonales ang kanyang bahay na nakatirik sa 1,000 square meters na lupa.
Kung bakit binigyan ng puwesto pa itong si Abonales kahit na siya’y notorious ay nakapagtataka.
Pero dapat pa ba tayong magtaka sa pamamalakad sa ating gobyerno?
Napabalita na tatlong pulitiko ang namatay dahil sa stem cell treatment na isinagawa diumano ng isang banyagang doktor sa isang five-star hotel.
Ito ang ibinalita ng Philippine Medical Association (PMA).
Di naman ibinigay ang mga pangalan ng pulitiko na namatay.
Sa aking palagay, professional jealousy ang nagbunsod na ilantad diumano ng PMA ang pagkamatay daw ng tatlong pulitiko dahil sa stem cell therapy.
Siyempre, ayaw masapawan ang mga doktor natin ng banyagang doktor na nagsagawa ng stem cell treatment.
Kung totoo man na namatay ang mga hindi pinangalanang pulitiko, baka namatay sila hindi dahil sa stem cell treatment kundi dahil sa kanilang pagkatalo o pagkapanalo.
Baka dinibdib ng mga pulitiko ang kanilang pagkatalo o kung sila’y nanalo ay sa labis na tuwa.
Sa aking research tungkol sa stem cell therapy, ito’y safe and very effective. Ang stem cell treatment, na sinimulan sa Switzerland, ay ginagawa sa Europa at maging sa Japan.
Ang stem cell therapy ay ginagamot ang ilang karamdaman bago pa man ito lumala at nagbabalik ng sigla ng kabataan sa mga taong may edad na.
Ilan sa mga nagkaroon ng stem cell therapy ay sina dating First Lady Imelda Marcos, Sen. Juan Ponce Enrile at dating Pangulong Erap.
Kung mapanganib ang stem cell therapy, bakit buhay pa ang mga nabanggit na personalidad?
Bagkus, sila’y lumakas pa at nanumbalik ang kanilang siglang kabataan.
Tanungin mo sina Enrile at Erap. Hehehe!
Isa na namang labor officer ang idinawit sa sexual exploitation ng mga babaeng domestic workers na tumakas sa kanilang mga among Arabo.
Ang labor officer ay assigned sa Philippine Embassy sa Riyadh, Saudi Arabia.
Tatlong Philippine labor officers sa Kuwait, Jordan at Syria ang naidawit na sa sex exploitation.
Ang labor official sa Saudi ay si Tony Villafuerte, assistant labor attaché sa Philippine Embassy sa Riyadh.
Nakipagniig daw o ibinugaw ni Villafuerte ang ilang mga Pinay na nakatira sa refugee center sa Philippine Embassy sa Riyadh.
Gaya ng ginawa ng kapwa niya labor officers sa Kuwait, Jordan at Syria.
Di na sila naawa sa mga babaeng tumakbo na nga sa kanilang mga among Arabo upang maiwasang gahasain ng kanilang among lalaki.
Dapat sigurong “putulan” ang mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.