MALAPIT nang masibak sa kanyang puwesto si Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Nagalit si Pangulong Digong sa kanyang kaklase at class valedictorian sa San Beda Law School nang ibasura ng Department of Justice (DOJ) ang mga kaso laban kina self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa at Peter Lim, na diumano’y drug kingpin ng Cebu.
Sabi ni Digong ipapalit niya si Aguirre kina Espinosa at Lim sa kulungan.
Maging mga mambabatas at si Vice President Leni Robredo ay nagalit sa pagkakabasura ng DOJ sa mga kaso nina Espinosa at Lim.
Nagpakita ng pagkamangha si Sen. Dick Gordon sa pagbasura sa mga kaso.
“I condemn that to the highest levels. I don’t know what entered their heads,” sabi ni Gordon sa panel of prosecutors na nag-imbestiga ng mga kaso.
***
Talagang dapat nang alisin si Aguirre bilang hepe ng DOJ dahil hindi niya kayang swetuhin ang kanyang mga tauhan.
Hindi siya sinusunod ng mga ito.
Inamin mismo ni Aguirre sa inyong lingkod na hindi niya hawak ang National Prosecution Service (NPS), na kinabibila-ngan ng mga prosecutors o piskal sa buong bansa.
“I do not control the National Prosecution Service nor could I dictate on it,” ani Aguirre.
***
Sabi sa akin ng isang piskal, “Paano naman namin siya igagalang, Mon, hindi siya kagalang-galang?”
Sinabi ng piskal, na hindi ko na babanggitin ang pangalan, na alam lahat ng mga piskal sa DOJ na nilipat ni Aguirre ang isa sa kanila nang ayaw nitong sundin ang utos ng DOJ chief na ibasura ang kaso ng kanyang dating kliyente.
Ang piskal na ayaw sumunod kay Aguirre dahil ito’y bawal ay itinapon niya sa Marawi City.
Ang kaso ay tungkol sa bombing sa Zamboanga City airport ilang taon na ang nakararaan kung saan ang isa sa mga akusado ay kinuha na abogado si Aguirre.
***
Hindi lingid sa kanyang mga kababayan sa Quezon province na ang kapatid ni Aguirre, na isang engineer, ay nagpapatakbo ng illegal na pasugalan sa probinsiya.
Marami rin ang may alam na naging abusado raw ang kapatid ni Aguirre nang siya’y naging DOJ secretary.
Kahit na ang kanyang mga kamag-anak sa Mulanay, Quezon ay diumano’y sinusuka siya dahil sa pagmamalabis ng kanyang kapatid at siya mismo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.