Traffic enforcers sa San Mateo bayad? | Bandera

Traffic enforcers sa San Mateo bayad?

Leifbilly Begas - March 14, 2018 - 12:10 AM

NASASAYANG lang ang mga tarpaulin na ipinagawa ni Mayor Tina Diaz ng San Mateo, Rizal.

Ang tinutukoy ko ay ang mga “no loading and unloading” sign/tarpaulin sa Gen. Luna st., partikular sa Brgy. Guitnang Bayan.

Madalas kasing may naghihintay na pampasaherong jeepney o UV Express na nagsasakay ng pasahero sa tapat mismo ng tarpaulin.

Hindi naman maitatanggi na nagiging sanhi ito ng trapik sa lugar. Minsan umaabot pa sa Dulong Bayan ang trapik na nalilikha nito.

Wala namang sumisita sa kanila kaya siguro iniisip nila na okay lang.

Baka ang iniisip nila ay ningas- cogon ang programa ng lokal na pamahalaan. Nung umpisa kasi ay mahigpit kaya medyo umayos ang trapik sa lugar. Nang magtagal ay balik na ito sa normal.

Ang masama lang nito, sa isip ng mga nagdaraang motorista ay nagiging totoo na ang kuwento na may payola sa mga namamasahero ang mga tagapagpatupad ng batas-trapiko kaya pinapabayaan nila.

Kung totoo ay magkano nga kaya?

***

Totoo ba ito?

Mayroon daw kinausap si Davao City Mayor Sara Duterte na isang kongresista na siyang napipisil nitong ipalit kay Speaker Pantaleon Alvarez.

Hindi naman maitatanggi na malakas itong si congressman sa mga Duterte dahil pinayagan siya na magdaos ng kanyang kaarawan sa Malacanang.

Kung kaya nga niyang mapalitan si Alvarez ay atin na lamang abangan.

***

Hindi kayang matapos ngayong linggo ang Articles of Impeachment at ang committee report ng House committee on justice sa isinagawang pagdinig sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Pero alam ng kampo ni Sereno ang hatol sa kanya ng nakararaming kongresista bago pa man matapos ang pagdinig.

Kung ang impeachment complaint nga ni ex-Comelec chairman Andres Bautista, na ibinasura ng House committee on justice, ay nabaliktad sa botohan sa plenaryo nang hindi ito kaagad magbitiw sa puwesto, mas madaling ipasa sa plenaryo ang impeachment complaint ni Sereno na idineklarang may probable cause ng Justice committee.

Ang tanong ay kung kailan ito mangyayari sa plenaryo. Hanggang sa susunod na linggo na lamang ang sesyon ng Kongreso—kung gusto ng liderato ay pwede na itong pagbotohan kaagad. Kung gusto. Pero kung ayaw, pwede naman na sa pagbubukas na lang ng sesyon sa Mayo.

Kung mauuna ang desisyon ng SC sa quo warranto at sasabihin na sibak na si Sereno dahil hindi siya kuwalipikado, inaasahan nila na tapos na.

Pero mayroong umusbong na tanong, ang quo warranto ay kumukuwestyon sa posisyon ni Sereno bilang Chief Justice, tama?

Kung pagbibigyan ang quo warranto, ibig sabihin tanggal siya bilang CJ, di ba? Ang tanong mananatili ba siyang Associate Justice ng SC, na puwesto niya bago siya naging CJ.

Hindi naman kinukuwestyon ang pagiging Associate Justice kundi ang kanyang kuwalipikasyon bilang Chief Justice.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kaya siguro ang itinutulak na gawin ni Sereno ay mag-resign na lang para tapos na ang lahat.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending