Oranza nahablot ang ikatlong stage win sa Ronda Pilipinas 2018
IDINAGDAG ni Ronald Oranza ng Navy-Standard Insurance ang 31.5-kilometro Stage Seven Individual Time Trial sa pagwawagi upang unti-unting lumayo sa mga karibal sa Ronda Pilipinas 2018 na nagsimula sa harap ng provincial capitol at natapos sa itaas ng bundok na Monasterio de Tarlac sa San Jose, Tarlac Sabado.
Huling pinakawalan bilang overall individual leader, tinahak ng 26-anyos na si Oranza ang ‘race-against-the-clock’ na yugto upang lampasan sina Jay Lampawog ng Go for Gold Developmental team at Navy teammate Ronald Lomotos bago kinapos abutan ang defending champion at kakampi din sa Navy na si Jan Paul Morales malapit na sa finish line para itala ang impresibong oras na 44.44 minuto.
Ikalawang pinakamabilis na oras si Morales sa 46:31 o dalawang minutong malayo kay Oranza, habang si Roque, na runner-up nitong nakaraang taon, na pumangatlo sa 48.26 tiyempo.
Ang panalo ay ikatlong pagwawagi ni Oranza sa nakatayang mga lap matapos magwagi sa Stage One criterium sa Vigan, Ilocos Sur noong Marso 3 at sa Vigan-Pagudpud Stage Two sa sumunod na araw.
Napataas pa ni Oranza ang kanyang abante mula sa 5.08 minuto patungo sa 6.55 minuto sa natitirang limang yugto ng karera na hatid ng LBC at suportado ng MVP Sports Foundation, Filinvest, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Sports, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.
Hawak ni Oranza ang kabuuang oras na 21:01:56 kontra Morales (21:08:51) sa unti-unti nagiging two-man race.
Si Lampawog, na siyang nagsususot ng kulay dilaw na MVP jersey na simboliko sa Best Under-23 rider, ay umakyat sa No. 3 overall sa 21:19:31 habang si Ronald Lomotos ng Navy-Standard na dating nasa No. 3 ay nadiskuwalipika sa pagsunod o pagbuntot kay Morales.
Umakyat si Cris Joven ng Army-Bicycology sa No. 4 (21:20:02), John Mark Camingao ng Navy sa No. 5 (21:20:34), George Oconer ng Go for Gold sa No. 6 (21:20:51), Ronnel Hualda ng Go for Gold Developmental Team sa No. 7 (21:21:29), Rudy Roque ng Navy sa No. 8 (21:21:42), Irish Valenzuela ng CCN Superteam sa No. 9 (21:22:04) at Junrey Navara sa No. 10 (21:22:08).
Binalewala rin ng mula Villasis, Pangasinan na si Oranza ang sakit sa nakabenda na hita at bali na daliri matapos masangkot sa aksidente sa Camiling, Tarlac sa Stage Six nakaraang araw.
“Masakit at nararamdaman ko habang nasa karera pero nag-focus lang ako para maitala ang fastest time,” sabi ni Oranza.
Napalawak ni Oranza at Navymen ang abante sa team race sa pagtahak ngayon sa Stage Eight Team Time Trial na magsisimula sa provincial capitol at matatapos sa Tarlac Recreational Park.
Naitala ng Navy ang kabuuang oras na 81:23:35 o mahigit na isang oras sa pinakamalapit na Go for Gold Developmental team sa 81:53:13. Nasa ikatlo ang Army-Bicycology sa No. 3 (82:10:37).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.