Habal-habal nahulog sa tulay; 3 patay, 3 kritikal
John Roson - Bandera March 07, 2018 - 04:17 PM
Nasawi ang isang habal-habal driver at dalawa niyang pasaherong bata habang tatlo pang menor de edad ang malubhang nasugatan, nang mahulog sa tulay ang sinakyan nilang motorsiklo sa Lopez, Quezon, Martes ng hapon.
Dead on the spot ang driver na si Junior Francisco, 48, dahil sa mga pinsala sa ulo’t katawan, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.
Itinakbo sa ospital ang mga batang sakay ni Francisco, pero di na umabot nang buhay sina Jennifer Collantes, 11, at Kent Cuaresma, 7.
Nagpapagaling pa sa pagamutan sina Marissa Carreon, 16; Jennilyn Collantes, 8; at Ismael Carreon, 15.
Naganap ang insidente dakong alas-5:15, sa Brgy. Villa Espina.
Binabagtas nina Francisco ang naturang barangay patungo sa direksyon ng Brgy. Lalaguna, nang mahulog sa tulay ang sinakyan nilang motorsiklo, ayon sa ulat.
Agad dinala ng mga residente ang mga batang pasahero sa lokal na ospital, pero idineklarang dead on arrival ng mga doktor sina Jennifer at Kent.
Ipinalipat naman sina Marissa, Jennilyn, at Ismael sa pagamutan sa Lucena City para sa karagdagang lunas.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na nagloko ang preno ng motor, ayon sa pulisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending