TNT KaTropa may habol pa sa quarterfinals
Mga Laro sa Marso 2
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. GlobalPort vs Phoenix Petroleum
7 p.m. Barangay Ginebra vs Rain or Shine
NAPANATILING buhay ng TNT KaTropa ang tsansang makatuntong sa quarterfinals matapos nitong putulin ang winning streak at dominahin ang NLEX Road Warriors, 101-75, sa krusyal na yugto ng eliminasyon ng 2018 PBA Philippine Cup Miyerkules sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Nilimitahan ng KaTropa sa kabuuang 16 at 12 puntos lamang sa una at ikalawang yugto ang Road Warriors bago naghulog ng 27 at 31 puntos upang itala ang 30-puntos na abante sa pagtatapos ng first half ng laro sa 58-28 tungo na sa pagpapaganda sa kartada nito sa 5-6 panalo-talo.
Nagawa pang itaas ng KaTropa sa pinakamalaking 38 puntos ang abante sa 69-31 sa ikatlong yugto upang sandigan nito sa pagpigil sa nalasap na tatlong sunod na kabiguan at pagandahin ang tsansa ng koponan para sa pakikipag-agawan sa posibleng magaganap na limang koponan na pagtatabla sa 5-6 kartada.
Pinamunuan ni Jericho Cruz, na nasa kanyang unang paglalaro para sa KaTropa bunga ng trade sa Rain or Shine, ang koponan sa itinalang 17 puntos habang nakatulong nito si Kelly Williams na may double-double sa ginawang 17 puntos at 16 rebound.
Nakapagtala ang TNT ng 21 puntos mula sa turnover habang mayroon itong 44 puntos sa paint at may 18 second chance points. Mayroon din itong walong fastbreak points at 55 na bench points.
Gayunman, umaasa pa rin ang TNT sa magiging resulta ng apat na iba pang koponan na may pagkakataon din na masungkit ang silya sa quarterfinals bunga ng mas mababa nitong quotient system kung magkakaroon ng pagtatabla.
Sigurado na ang San Miguel Beermen, na natalo Miyerkules ng gabi sa Rain or Shine Elasto Painters, 95-80, sa No. 1 na silya sa quarterfinals habang ikalawa ang Magnolia Hotshots na inangkin ang No. 2 spot para sa natatanging dalawang silya na may twice-to-beat bonus na nakareserba sa mangungunang dalawang koponan matapos ang eliminasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.