Probinsyano may butas man sa kwento, wagi pa rin sa rating
NAKAKAALIW ang pagpapalitan namin ng text messages nu’ng isang gabi ng aming anak-anakang si James Vincent Navarrete. Pareho kaming nanonood ng Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin.
Nasisilip kasi namin ang mga butas sa maraming eksena. Tulad na lang ng pag-aabang ng grupo ng mga Vigilante sa kanilang mga kalaban. May patong sa ulo na milyun-milyon ang grupo pero kung makalantad sila ay parang wala lang.
Napakalapit nila sa kanilang pinupuntiryang patayin-parusahan dahil maraming buhay na ang sinisira ng isang mayor na ginagampanan ni Bernard Palanca.
Sabi ni JVN, “At ang ginagamit nilang sasakyan, e, truck na lantad na lantad sila, walang mga bintanang tinted para hindi sila nakikita! Ano ‘yun? Wala pang bubong ang sasakyan nila, ganu’n ba ang ginagamit ng mga taong nagtatago sa batas?” tawa nang tawang komento ni James Vincent.
Pero ang ending ay patuloy pa rin naming pinanonood ang serye, parehong masama ang loob namin ni James Vincent Navarrete kapag matindi ang traffic, dahil hindi na namin nasisimulan ang seryeng Ang Probinsyano.
“Ibang klase talaga ang seryeng ito! Pero ang nakakagulat, e, heto pa rin tayo, tinututukan pa rin natin ang show, hindi natin pinalalampas!” sabi ni JVN.
At winawasak ng seryeng ito ang kanyang mga kalaban. Parang boksingero ang Ang Probinsyano na sa unang round pa lang ay dapang-dapa na ang kanyang katunggali.
Panalung-panalo sa rating!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.