Regine hinding-hindi raw lalayasan ang GMA: Ang laki ng sweldo ko du’n!
SULIT na sulit ang pagpunta namin sa MOA Arena last Saturday para sa soldout pre-Valentine concert nina Martin Nievera, Ogie Alcasid, Regine Velasquez, at Erik Santos na “#paMORE”. Pinawi ng apat na music icon ang lahat ng aming pagod at stress dahil sa matinding traffic na sinuong namin that night.
Simula pa lang ng show ay pasabog na agad ang production numbers ng apat na Pinoy music icon, panalo ang kanilang Air Supply medley, pati na ang palitan nila ng punchlines at mga hugot lines kaya naman tawanan din nang tawanan ang audience.
Siyempre, isa sa talagang inabangan ng manonood ay ang pagbirit ng Asia’s Songbird, in fairness kahit medyo paos si Regine ay nabigyan pa rin niya ng hustisya ang buwis-buhay na “Never Enough” na mula sa Hollywood movie na “The Greatest Showman.” Pinalakpakan din nang bonggang-bongga ang magkakahiwalay na duet niya with Martin, Ogie, Martin and Erik.
Bago pa man nagsimula ang #paMORE ay nag-post na si Regine sa kanyang social media account ng disclaimer para sa kanyang mga fans. Aniya, “Huwag masyadong taasan ang expectations para wag ma disappoint!”
Bukod dito, panalo rin ang mga hirit nina Regine at Erik on stage. Pinasalamatan at binati kasi nina Martin, Ogie at Erik ang mga sumuporta sa kanilang concert na karamihan ay mga Kapamilya stars tulad nina Vice Ganda, Jed Madela at Angeline Quinto.
Biglang humirit si Regine ng, “Ako lang taga-Channel 7.” Na sinagot naman ni Erik ng, “Malay mo, Ate, malapit na.”
Tugon naman ni Regine, “Hindi, okay naman ako. Malaki ang bayad ko. Ang laki ng suweldo ko du’n.” Kaya naman tawanan nang tawanan ang mga nasa audience.
Hindi rin nagpatalbog si Erik sa husay ng tatlo niyang mga idol, pinalakpakan din ang duet nila ni Martin with Broadway musicals medley. Biritan showdown din ang naganap kaya naman binigyan din sila ng standing ovation ng mga tao.
Komento nga ni Ogie, “Alam mo, Erik, ikaw ang dapat palakpakan. Kita mo naman, you have arrived, Erik Santos.” Sundot naman ni Regine, “It is time!” (para magkaroon ng solo concert sa MOA Arena para sa kanyang 15th anniversary sa showbiz).
Samantala, standing ovation din ang ibinigay ng audience kay Concert King Martin Nievera na nagdiriwang naman ng kanyang 35th year sa showbiz. Winner na winner ang finale song niya na “What Kind of Fool Am I” with Regine.
Tawang-tawa rin kami at ang mga tao sa MOA Arena nang ibahagi nina Ogie at Regine ang favorite nilang ginagawa ngayon sa kanilang bahay – ito ay angh panonood ng mga Koreanovela. Paborito raw nila ang Goblin ni Gong Yoo kaya kinanta nila ang theme song nitong “Beautiful.”
Pagkatapos nito ay in-announce ni Ogie na may naisulat na rin daw siyang Korean song na ang titile ay “Taba Kuna Bes” na Tagalog pa rin ang lyrics pero tunog-Korean. In fairness, mula simula ng kanta hanggang sa matapos ay hagalpakan ang audience.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.