Ban sa DH sa Kuwait gawing permanente | Bandera

Ban sa DH sa Kuwait gawing permanente

Susan K - January 31, 2018 - 12:10 AM

SA loob ng 20 taon paglilingkod ng Bantay OCW Foundation sa ating mga kababayang OFW, nasaksihan namin ang samu’t saring mga pang-aabuso na dinanas nila sa ibayong dagat, kabilang na ‘yung mga natikman ng mga OFWs natin sa Kuwait.

Nandoon na sampalin, tadyakan, sigaw-sigawan, mura-murahin, lait-laitin, insultuhin, bugbugin at kung ano-ano pa.

Hindi rin sila nakaligtas sa mga kaso ng sekswal na mga pang-aabuso at panghahalay.

May temporary ban na ipinatutupad ngayon ang pamahalaan ng Pilipinas sa Kuwait. Mismong si Pangulong Duterte ang siyang nagpalabas ng naturang direktiba na huwag nang magpadala ng mga Pilipino roon matapos ang sunod-sunod na insidente ng pagkamatay ng ating mga OFW.

Sa kabila nito, hiniling naman ng Kuwait sa pamamagitan ni Kuwaiti Ambassador to the Philippine Musaed Saleh Althwaikh na tanggalin ang naturang ban.

Mariin naman itong tinanggihan ni Labor Secretary Silvestre Bello III at sinabing mananatili ang temporary ban ng deployment ng mga OFW matapos magpalabas ng Administrative Order No. 25, kasabay ng isinasagawang imbestigasyon sa kamatayan ng mga domestic helper natin doon.

Nais din ni Bello na ipadala ang Rapid Response Team sa Kuwait upang matutukan at mabigyan ng sapat na atensyon ang mga kasong ito.

Ipinangamba naman ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa Kuwait ngayon ang naturang direktiba ng pamahalaan.

Tanong nila ay kung pauuwiin ba sila. Hindi na ba nila tatapusin ang kanilang mga kontrata? Paano kung maayos naman ang kanilang kalagayan doon, may mabait na amo at nagkakasundo sila, papayagan pa ba siyang makapag-renew ng kanilang kontrata?

Sa kasalukuyan, walang bagong mga kontrata na ipoproseso patungo ng Kuwait o para sa mga new hires.

Labis na ikinagalit kasi ni Pangulong Duterte ang hindi makataong pagtrato sa ating mga domestic helper lalo pa’t naging sanhi ito ng kanilang kamatayan.

Hindi ito matanggap ng Pangulo.

Sino ba naman ang hindi magngingitngit? Natural lamang talaga na ikagagalit natin ito. Hindi naman nakasaad sa kontrata nila na kasama pati puri at higit sa lahat, pati buhay ang isinusugal sa kanilang pagtatrabaho doon.

Sang-ayon ang Bantay OCW sa naging aksyon ni Pangulong Duterte.

Kung puwede nga sana, Mr. President, gawin na po ninyong permanent ban para sa ating mga domestic workers sa Kuwait.

Huwag na sana tayong magpadala ng mga kababaihang magtatrabaho sa loob ng kanilang mga tahanan dahil sila higit sa lahat ang palaging lantad sa anumang klase ng pang-aabuso.

Wala namang problema kung ipagpapatuloy ang paglabas ng ating mga professional workers dahil kayang-kaya nilang ipagtanggol ang kanilang mga sarili bukod pa sa may sarili silang mga tirahan doon.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending