Piolo, Direk Joyce tinupad ang pangako sa mga taga-Marawi
TINUPAD ni Piolo Pascual ang kanyang pangako na personal siyang bibisita sa Marawi City para makita ang kalagayan ng mga kababayan natin doon matapos ang giyera sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at mga terorista.
Inilabas ni Robin Padilla sa kanyang Instagram account ang ilang mga litrato at video ni Piolo sa Marawi kasama sina direk Joyce Bernal at Nadia Montenegro.
“Masayang nasaya ang mga kapatid ko kasi naramdaman nila na tunay kayong nagmamahal at nag aalala sa kanila. Batid nila na wala kayong business sa kanila o pangangailangan sa kanila.
“Hindi kayo mga politiko at lalong hindi negosyante pero naglakbay kayo ng malayo at nagpakahirap, gumastos at nakibagay para makita sila at makapiling. Wala na sigurong magiging mas Pilipino pa do’n,” post ni Robin.
“Ang pakikiramay at pagdamay ay bayanihan at ito ay ipinagmamalaki nating ating kultura at pagkatao,” hirit pa ng action star.
Nagbigay din ng mensahe si direk Joyce para sa mga taga-Marawi at dito nga niya ibinalita ang tungkol sa gagawin nilang pelikula kung saan ilalahad ang ilang mahahalagang kaganapan sa Marawi siege.
“Kailangan po namin kayong makita at puntahan para yung gagawin naming pelikula ay alam namin kung para kanino po,” sabi ng direktor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.