Mga bakwit mas dumami sa pagputok ng Mount Mayon
John Roson - Bandera January 22, 2018 - 07:37 PM
Lalo pang dumami ang mga nagsilikas sa palibot ng Mayon Volcano sa Albay dahil sa mas malakas pang pagputok ng bulkan Lunes, ayon sa mga otoridad.
Nagbuga ang bulkan ng lava fountains Linggo ng gabi at Lunes ng umaga, at abo na umabot sa 1,300 metro ang taas, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Nadagdagan din ang bilang ng mga bayang dumanas ng ashfall.
Mula Guinobatan, Camalig, at Ligao, dumanas na rin ng ashfall ang ilang bahagi ng Oas at Polangui ng Albay, pati ang ilang bahagi ng Bato, Nabua, Iriga, Buhi, Bula, Baao, at Balatan ng Camarines Sur, ayon sa Office of Civil Defense-Bicol.
Dahil sa mga ito’y itinaas sa alert level 4 ang estado ng bulkan, pinalawig ang danger zone sa 8 kilometro, at nagpatupad ng forced evacuation.
Inabisuhan din ang mga piloto na huwag magpalipad malapit sa bulkan dahil delikado para sa mga eroplano ang abo.
Sa tala ng NDRRMC Lunes ng umaga, sinasabing nasa 10,491 pamilya o 40,718 katao na ang nagsilikas, pero marami pang nadagdag.
Ayon kay Romina Marasigan, tagapagsalita ng NDRRMC, may nadagdag pang 6,000 kataong lumikas at inaasahang madadagdagan pa ng 8,000 dahil sa pagpapalawig ng danger zone.
Kinumpirma ni Chief Insp. Arthur Gomez, tagapagsalita ng Albay provincial police, na nagpatupad na ng forced evacuation sa extended danger zone.
Mayroon pang ilang pulis na pinaputukan ng mga di pa kilalang tao habang nagpapalikas sa Guinobatan, pero walang nasugatan, aniya.
Nagtaas na ng “red alert” ang operations center ng NDRRMC para sa posibleng pag-ayuda sa local disaster units sa Bicol, sabi naman ni Marasigan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending