Multa, suspensyon nakaamba kina Almazan, Camson at Miranda
MULTA at suspensyon ang kinakaharap nina Raymond Almazan ng Rain or Shine, Eric Camson ng Kia Picanto at Michael Miranda ng NLEX na ipinatawag ng Office of the PBA Commissioner sa Martes upang pagpaliwanagin sa naganap na kaguluhan at away sa laro ng kani-kanilang koponan sa 2018 PBA Philippine Cup nitong nakalipas na linggo.
Sinabi ni PBA Officer-In-Charge Willie Marcial na inimbitahan nito ang dalawang manlalaro sa Martes para makapagpaliwanag at makaiwas sa posibleng suspensyon at pagmumulta matapos magkainitan sa maigting na laban sa Cuneta Astrodome noong Sabado kung saan inuwi ng Picanto ang unang panalo sa torneo, 98-94.
Matatandaan na pinatalsik sa laro sina Camson at Almazan matapos na kapwa matawagan ng flagrant foul 2, na agad na may awtomatikong kaparusahan na P20,000 multa. Maliban sa multa ay posible pa na mapatawan ang dalawa ng suspensyon.
“Pag-uusapan diyan kung madadagdagan ‘yung fines at kung may suspension,” sabi ni Marcial.
Nakatakda rin ipatawag ng PBA Commissioner’s Office ang NLEX big man na si Michael Miranda matapos din itong matawagan ng flagrant foul 2 sa 97-109 kabiguan ng Road Warriors sa San Miguel Beermen noong Biyernes.
Nakita naman na nagsikuhan sina Camson at Almazan habang nag-aagawan sa rebound sa 3:01 minuto ng ikalawang yugto. Una nang nakita sa replay ang pagbagsak ni Camson ng siko sa mukha ni Almazan bago gumanti ang huli na nagpasimula ng kaguluhan na umabot pa sa pagpakawala ng mga suntok.
Bagaman agad napaghiwalay ang dalawa at napatalsik sa laro ay nagpatuloy pa rin ang pagsisigawan nito patungo sa kani-kanilang dugout.
Si Miranda ay pinatawan din ng parusa matapos sipain si Chris Ross sa singit habang papatayo matapos itong maitulak ng San Miguel player nang magbigay ng pick para sa kakampi na si Kiefer Ravena.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.