Halos 39,000 katao na ang nagsilikas dahil sa patuloy na pag-aalburuto ng Mayon Volcano sa Albay, ayon sa mga otoridad.
Umabot na sa 9,480 pamilya o 38,939 katao ang nagsilikas sa mga bayan ng Camalig, Daraga, Guinobatan, Malilipot, Sto. Domingo, Ligao City, Legazpi City, at Tabaco City, ayon sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sa mga nagsilikas, 34,003 ang nasa mga evacuation center, habang 4,936 ang nakikisilong sa mga kaanak, ayon sa ahensiya.
Sa mga nasa evacuation center, 11,522 ang mula sa limang barangay ng Legazpi, sinundan ng 6,300 nagsilikas sa Camalig, 4,627 sa Guinobatan, at 4,204 sa Daraga, ayon naman sa datos na nilabas ng Office of Civil Defense-5.
Nasa 2,887 na ang lumikas sa Malilipot, 2,047 sa Tabaco, 1,818 sa Ligao, at 682 sa Sto. Domingo.
Dahil sa dami ng apektado sa pag-aalburuto ng bulkan, nagdeklara ng state of calamity ang pamahalaang panlalawigan ng Albay, Martes ng hapon.
Apektado rin ang libu-libong estudyante ng mga paaralang ginagamit ngayon bilang evacuation center.
Umabot na sa 8,703 mag-aaral at halos 200 school employees ang apektado, dahil halos 400 classroom sa 29 paaralan ang ginagamit ngayon bilang evacuation center, ayon sa OCD.
Di bababa sa P5.5 milyon halaga ng tulong na ang naipalabas ng mga lokal na pamahalaan para sa evacuees.
Mula Martes hanggang Miyerkules ng umaga ay nakapagtala ang PHIVOLCS ng panibagong lava effusion, 143 lava collapse, at isang pagyanig mula sa bulkan. (John Roson)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending