Mahigit 12K residente lumikas dahil sa pag-aalburuto ng Mount Mayon
MAHIGIT 3,000 pamilya o tinatayang 12,000 indibidwal ang lumikas sa patuloy na pag-aalburuto ng Mount Mayon.
Sa isang press briefing, sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Romina Marasigan na umabot na sa 3,061 pamilya o 12,044 katao mula sa Kamalig, Guinobatan at Malilipot, Albay ang apektado ng aktibidad ng Mayon.
Idinagdag ni Marasigan na bukod pa rito ang mga pamilyang sapilitang pinalikas.
Patuloy na nagsasagawa ng forced evacuation ang mga lokal na pamahalaan sa Daraga at Legazpi, Albay matapos maitala ang pagdaloy ng lava malapit sa Brgy. Miisi, Daraga kaninang umaga.
“Yung mga kababayan natin sa Bicol lalo sa Albay ibayong pag-iingat dahil anytime na pumutok maaaring maging peligroso sa atin at sa mga pamilya,” sabi ni Marasigan.
Tiniyak naman ni Marasigan ang publiko na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng NDRRMC sa mga lokal na pamahalaan ng Albay at regional risk reduction and management agencies para matiyak ang kaligtasan ng mga tao sa mga apektadong lugar.
“Use gas mask, pero kung wala, panyo or bimpo at basain ito para ma-filter yung ash. Yung mga turista pwede pa rin pumunta pero susunod sa designated areas or danger zones,” ayon pa kay Marasigan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.