San Miguel Beermen umangat sa 3-0 kartada
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Kia vs Alaska
6:45 p.m. Magnolia vs NLEX
Team Standings: San Miguel Beer (3-0); Blackwater (2-1); Phoenix (2-1); Barangay Ginebra (2-1); NLEX (2-1); Magnolia (2-1); TNT (1-2); GlobalPort (1-2); Alaska (1-2); Meralco (1-2); Rain or Shine (1-1); Kia (0-3)
UMANGAT sa malinis na 3-0 record ang defending champion San Miguel Beer matapos nitong biguin ang TNT KaTropa, 88-76, sa kanilang 2018 PBA Philippine Cup out-of-town game Sabado sa University of San Agustin Gym sa Iloilo City.
Umahon mula sa 12 puntos na pagkakaiwan sa 12-24 sa ikalawang yugto ang mga Beermen kung saan nagawa nitong agawin ang abante pagtuntong sa ikatlong yugto sa 37-36 tungo sa pagpapanatili ng natatanging malinis na kartada sa pag-uwi ng ikatlong sunod na panalo.
Pinamunuan ng 4-time season MVP na si June Mar Fajardo sa itinala nitong 20 puntos, anim na rebound at tatlong block ang Beermen na nagawang kumawala mula sa 71-all iskor bago tuluyang pinalasap ng ikalawa nitong kabiguan ang KaTropa na nahulog sa 1-2 panalo-talong record.
Nagdagdag naman sina Arwind Santos at Marcio Lassiter ng tig-15 puntos para sa San Miguel Beer.
Pinamunuan ni Troy Rosario ang TNT sa ginawang 15 puntos.
Samantala, mag-aagawan sa ikatlong panalo ang Magnolia Hotshots at NLEX Road Warriors habang pilit hahablutin ng Kia Picanto ang una nitong panalo sa pagsagupa sa Alaska Aces sa kani-kanilang laro ngayon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Magsasagupa sa unang laro ganap na alas-4:30 ng hapon ang Kia at Alaska bago sundan ng inaasahang maigting na salpukan sa pagitan ng Magnolia at NLEX na magkasalo sa ikalawang puwesto sa alas-6:45 ng gabi.
Inuwi ng Aces ang una nitong panalo na pumutol sa dalawang diretsong kabiguan matapos nitong biguin ang Meralco Bolts, 103-98, sa pagtutulungan nina Chris Banchero, Calvin Abueva at Vic Manuel.
Natikman naman ng Picanto ang pinakamasaklap na kabiguan ng isang koponan sa ginaganap na kumperensiya matapos itong mabigo sa pinakamalaking 47 puntos na kalamangan kontra Magnolia Hotshots, 77-124.
Ang matinding panalo ang pilit naman na sasandigan ng Hotshots ngayon sa pagsagupa nito kontra sa NLEX Road Warriors na naputol ang dalawang sunod na pagwawagi matapos matikman ang 95-102 kabiguan kontra nagpapakita ng pagbabago na Phoenix Fuelmasters sa ilalim ng bagong coach na si Louie Alas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.