Manggagawa ng sci-tech firms sa Calabarzon, gagawing regular
MAY 750 mangggagawa ng iba’t ibang technology firm sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Quezon) ang gagawing regular matapos makitaan ang kanilang employer ng paglabag sa karapatan ng manggagawa para sa seguridad sa kanilang trabaho.
Sa magkahiwalay na compliance order na inisyu ng DOLE-Regional Office 4A, may tatlong technology company na naka-base sa Laguna– Cirtek Advanced Technologies Solutions Inc., Du Pont Far East Inc., at Fuji Electric Philippines Inc. ang inatasan na gawing regular ang 737 manggagawa matapos mapatunayan na sila ay nagpapatupad ng labor-only contracting.
Nakita ang paglabag ng kompanya matapos ang sunod-sunod na inspeksyon na isinagawa ng compliance officer noong nakaraang taon. Ilan sa mga paglabag ang kakulangan ng sapat na kapital sa bahagi ng contractor dahil ang mga kagamitan at kasangkapan ng principal ang ginagamit ng empleyado sa trabahong ikinontrata sa kanila.
Ang principal din ang nangangasiwa at namamahala sa pagtupad ng gawain ng mga dineploy na manggagawa, at kasamang nagtatrabaho ng mga regular na empleyado ng principal at ginagampanan din ang parehong tungkulin na may direktang kaugnayan sa pangunahing negosyo ng principal.
Kabilang sa mga natuklasan ang hindi pagsunod sa Occupational Safety and Health Standards dahil walang balidong lisensiya ang tatlong principal na magpatakbo ng mechanical at electrical equipment.
Wala ring balidong fire safety inspection certificates ang Cirtek Advanced Technologies Solutions Inc. at Fuji Electric Philippines Inc.
Ang Cirtek Advanced Technologies and Solutions Inc. ay isang manufacturing solutions partner para sa telecommunications, satellite communications, at semiconductor test boards samantalang ang Du Pont Far East Inc. ay isang science-driven innovation firm na nagre-repake ng fungicides, herbicides, at insecticides.
Ang Fuji Electric Philippines Inc. ay isang Japanese electronic firm na gumagawa ng power semiconductors at iba pang mahahalagang electronic devices na ginagamit sa industrial equipment, automobiles, information equipment, at new energy.
Inatasan din ng DOLE ang Viewers Mobile Inc., isang mobile provider na naka-base sa Lucena City, Quezon, na bayaran ang benepisyo ng kanilang manggagawa matapos na makitaan na hindi nila ibinibigay sa kanilang mga manggagawa ang benepisyong itinakda ng batas sa ilalim ng general labor standards batay sa pagtatasa ng LLCO.
Information and
Publication Service
Department of Labor and Employment
Intramuros, Manila
Telephone Nos.: 5273000 local 621-627
Fax No.: 5273446
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa [email protected] or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.