Juday: Sure na sure akong lalaki ang asawa ko!
SURE na sure raw si Judy Ann Santos na walang bahid ng kabadingan ang kanyang asawang si Ryan Agoncillo.
Natanong si Juday kahapon sa grand presscon ng bago niyang pelikula under Star Cinema, Quantum Films at idea First na “Ang Dalawang Mrs. Reyes” kung nakasisiguro ba siyang tunay na lalaki si Ryan dahil nga sa “baklaang” tema ng movie.
“Oo naman, walang-wala! Salamat sa Diyos!” ang diretsong tugon ng Teleserye Queen.
Pero paano kung madiskubre niyang beki si mister? ” “Siguro kung ano ‘yung ginawa ni Mrs. Reyes (karakter niya sa movie), matitigalgal muna ako ng mga three days bago ako magsimulang maghalungkat ng ebidensya. Ha-hahaha!”
Samantala, proud na proud naman si Juday sa latest movie nila ni Angelica Panganiban kung saan kasama rin sina JC de Vera at Joross Gamboa. Ito raw ‘yung klase ng pelikula na matagal na niyang gustong gawin.
“Gusto ko kasing i-challenge ‘yung sarili ko, yung iba naman sa mga ginagawa kong pelikula. Kaya nu’ng ialok sa akin ang project na ito, umoo agad ako kasi hindi ka laging makakatanggap ng ganitong klase ng offer, ‘yung ganito kagandang materyal,” pahayag ni Juday.
Sa direksyon ni Jun Lana, iikot ang kuwento ng “Ang Dalawang Mrs. Reyes” kina Lianne Reyes (Juday) at Cindy Reyes (Angelica) na mawiwindang ang buhay nang madiskubre nila na may relasyon pala ang kanilang mga asawa (JC at Joross). Gagawin nila ang lahat para magkahiwalay ang dalawa at manatili sa kanilang mga pamilya.
Dadalhin nina Juday at Angge ang mga manonood sa isang emotional roller coaster ride na siguradong mag-iiwan ng marka sa bawat manonood, lalo na ang mga gagawin nilang kalokahan at kabaliwan para makaganti sa kanilang mga bading na asawa.
Ipalalabas na sa mga sinehan ang “Ang Dalawang Mrs. Reyes” sa Jan. 17 nationwide. Makakasama rin dito sina Nico Antonio, Carmi Martin at marami pang iba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.