Dennis sa kasal nila ni Jennylyn: Unti-unti, pinaplano!
PROMISE ng Kapuso Drama King na si Dennis Trillo, hindi nila itatago ni Jennylyn Mercado sa publiko kapag nagdesisyon na silang magpakasal.
Agree si Dennis sa sinabi ng ilang members ng entertainment media na kasal na lang ang kulang sa kanila ng kanyang girlfriend na si Jennylyn. Sa katunayan, noong nakaraang Pasko at Bagong Taon ay magkasama silang dalawa with their respective families.
Reaksyon ng Kapuso hunk actor nang makachika namin kasama ang ilan pang showbiz reporter sa presscon ng bago niyang serye sa GMA, ang The One That Got Away, “‘Yun na nga lang siguro ang kulang. Pero darating din ‘yun. Malalaman niyo din naman pag dumating na ‘yung araw na ‘yun.”
Mariing sinabi ni Dennis na kung siya ang masusunod hindi na niya pakakawalan pa ni Jen, “Ganu’n na nga. Masaya kami, e.”
Sa tanong kung nai-imagine na ba niyang si Jen na ang makakasama niya for the rest of his life, “Kailangan ma-imagine mo ‘yun. Dahil kung hindi, ibig sabihin, may problema.”
Tungkol naman sa pagpapakasal, naniniwala si Dennis na doon na rin papunta ang kanilang relasyon, “Unti-unti, pinaplano. Pero siyempre, may mga kanya-kanyang careers pa kaming kailangan asikasuhin.”
q q q
Samantala, inamin ni Dennis na na-challenge siya bilang aktor sa bago niyang serye sa GMA, ito ngang The One That Got Away o TOTGA.
“Actually, hindi ko in-expect na magkakaroon ako ng show bago matapos ang taon (nagsimula silang mag-taping last November), pero nangyari ito, so sobrang happy lang ako na maganda ‘yung naging simula ng taon and gusto ko na makagawa pa ng mas marami pang magagandang projects,” ani Dennis.
Huling napanood ang binata sa Mulawin vs Ravena, na isang fantaserye kaya nang ialok sa kanya ang TOTGA na isang sexy romcom ay agad niya itong tinanggap, “Galing sa fantasy, parang magandang move ‘yung gumawa ng ganito para malayung-malayo doon. Tsaka sa Mulawin vs Ravena, wala ako talagang leading lady, saka nakakapagod.
“Dito naman, medyo light, so refreshing siya para sa akin. And first time kong magkaroon ng tatlong leading ladies. So, bakit hindi, ‘di ba?” ani Dennis.
Paano naman niya ide-describe ang tatlo niyang leading lady sa serye na sina Rhian Ramos, Lovi Poe at Max Collins na balitang magpapatalbugan nang bonggang-bongga sa kaseksihan, “Si Rhian, para siyang cool na chick. Para siyang one of the boys, eh. Kasi mahilig siya sa mga bagay na magugustuhan din ng mga lalaki. Nagre-race car siya at mga kung anu-ano pa.”
“Si Lovi, ilang beses ko na siyang nakatrabaho, siya ‘yung seryosong aktres talaga. Para sa akin, kung may mga dramang eksena, siya ‘yung talagang mag-i-stand out, magaling siya, magaling siyang umiyak.
“Si Max naman, kung titingnan mo siya, parang ang hirap niyang lapitan kasi sobrang sharp ng features, parang mataray. Pero kapag nakausap mo, sobrang down to earth, malumanay magsalita, napakahinhin.
“So, nakakatuwa na iba’t ibang personalities ang leading lady ko,” aniya pa. At jackpot si Dennis dahil meron siyang kissing scene sa lahat ng kanyang partner sa serye.
Mapapanood na ang The One That Got Away simula sa Jan. 15 sa GMA Telebabad. Kasama rin dito sina Jason Abalos, Jason Francisco, Sophie Albert, Ivan Dorschner, Migo Adecer, Ervic Vijandre, Bembol Roco, Snooky Serna at marami pang iba, sa direkyon nina Mark dela Cruz at Conrado Peru.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.