WALA pang planong magpakasal ang Kapuso actress na si Lovi Poe sa kanyang boyfriend na si Chris Johnson.
Sa grand presscon ng bagong primetime series ng GMA na The One That Got Away, ilang beses kinulit ng mga reporter si Lovi tungkol sa pagpapakasal, pero talagang tigas ang pagtanggi nito.
“Wala, wala pa talaga! Promise! And I also don’t have marriage age. It’s not yet part of the plan. Malayo pa. Tsaka pareho kasi kaming career oriented ni Chris, so work, work muna,” pahayag ng Kapuso singer-actress.
Parang takot na takot na siyang magpakasal sa tono ng kanyang mga sagot? “No, hindi naman. It’s a choice. This (showbiz) is exactly where I am supposed to be. This is what I want. And kami ni Chris, we don’t talk about it (wedding). It’s something I’m not ready to talk about. But I believe, kung mangyayari ‘yun, mangyayari.”
Sa ngayon, ine-enjoy lang ni Lovi ang relasyon nila ni Chris, ‘yung walang pressure at chilax lang.
Samantala, sa Jan. 15 na magsisimula ang bagong serye ni Lovi sa GMA Telebabad, ang The One That Got Away (TOTGA) kung saan makakasama niya muli ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo with Rhian Ramos and Max Collins.
Kuwento ni Lovi, bagong challenge ang role niya sa nasabing serye dahil ibang-iba ito sa mga nagawa na niya in the past. First time raw niyang gaganap na babaeng bakla.
Siya ang gaganap na Alex, ang first ex-girlfriend ni Liam (Dennis). She is beautiful, independent, family-oriented at super career-driven. Pero nang yayain na siyang magpakasal ni Liam, hindi niya ito tinanggap kaya naghiwalay sila.
“Tsaka, bababeng-bakla ako rito. Nu’ng una nga, naiilang pa akong magsalita ng gay lingo, natatawa talaga ako kasi hindi ko naman lagi ginagamit ‘yung mga words na ganu’n. So, talagang kinarir ko, eventually okay naman, nagets ko na ‘yung character ko,” aniya pa.
Sina Rhian at Max naman ay gaganap bilang sina Zoe at Darcy respectively, ang second and third ex-GF ni Liam. Magkukrus ang landas nilang tatlo na siyang magiging simula ng mga nakakaloka at nakakawindang na mga twist and turn sa kuwento.
Ka-join din dito sina Ivan Dorscnher, Migo Adacer, Jason Abalos, Bembol Roco, Luz Valdez, Snooky Serna, Ervic Vijandre, Ayra Mariano, Nar Cabico, Sophie Albert, Jason Francisco, Patricia Ismael, Dea Formilleza, Euwenn Aleta at marami pang iba.
Ito’y sa direksyon ni Mark dela Cruz with Conrado Peru, at mapapanood na simula Jan. 15 pagkatapos ng Kambal, Karibal sa GMA Telebabad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.