Indonesia may test event para sa 2018 Asian Games
IPAPAMALAS ng Indonesia Asian Games Organizing Committee (INASGOC) ang kahandaan nito sa pag-host ng 18th Asian Games sa darating na Agosto 18 hanggang Setyembre 2.
Nakatakdang magsagawa ng test event ang INASGOC sa siyam na sports bilang paghahanda sa pinamalaking multi-sports event na gaganapin sa Asya sa taong ito.
Ipinaliwanag ni Erick Thohir, presidente ng INASGOC, ang pagsasagawa nito ng mga test events ay upang maipakita ang inaasahang magiging maigting na kompetisyon sa kada apat na taong troneo ng mga Asyano na gagawin sa siyudad ng Jakarta at Palembang.
Ang siyam na sports na gagawan ng test event ay ang archery, athletics, basketball, boxing, football, weightlifting, volleyball indoor, taekwondo at pencak silat na nakatakdang gawin simula Pebrero 10 hanggang 18 na tampok ang kabuuang 1,991 atleta at 487 opisyales mula sa 45 bansa na inaasahang magpapartisipa.
Inaasahan ni Thohir, na presidente rin ng Indonesian Olympic Committee, ang pagdating ng 9,500 atleta, 20,000 volunteers, 3,500 media, 2,500 VIPs at 5,500 technical officials sa Asian Games.
Kabuuang 462 gintong medalya ang paglalabanan mula sa 40 sports at 67 disiplina kung saan 28 dito ay lehitimong mga Olympic sports na pinaglabanan din sa 2016 Rio de Janeiro Games. —Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.