Gonzales ipinalit kay Ayo bilang DLSU coach
OOKUPAHAN ng isa sa mga assistant coach ng De La Salle University na si Louie Gonzales ang iniwang trabaho ni Aldin Ayo bilang head coach ng Green Archers.
Ang pag-aangat kay Gonzales bilang head coach ng Green Archers ay nagmula sa desisyon ni La Salle men’s basketball team patron Eduardo ‘Danding’ Cojuangco.
Ibinahagi naman ni Gonzalez sa kanyang social media account ang Facebook post sa Archers’ Clubhouse na nakasaad na siya ang itinalaga bilang head coach ng Green Archers Biyernes ng gabi matapos ang pagpupulong sa opisina ni Cojuangco sa San Miguel Corporation.
“At a meeting at the San Miguel Corporation last Friday evening, patriarch Eduardo Cojuangco Jr. has appointed coaching duties to Louie Gonzalez. Glen Capacio is also staying. Good choice,” nakasaad sa naturang FB page.
Hindi na bago para kay Gonzales ang hawakan ang Green Archers dahil siya naman ang gumagawa at tumatawag sa istratehiya sa sa laro at pumupunta at nagpapaliwanag sa mga manunulat kapag nananalo ang Green Archers sa mga laro. Bihira kasing humarap si Ayo sa media para sa post-game interview.
Ang ama ni Louie na si Tany Gonzalez ay isa ring alumnus ng LSGH (Batch 69) at matagal na nagsilbi sa Archers.
Nauna nang ipinatawag ni Cojuangco ang isang pagpupulong at pagtatalaga ng bagong coach matapos magpaalam at magdesisyon si Ayo na bitiwan ang pagiging head coach ng Green Archers at lumipat sa kampo ng University of Santo Tomas.
Makakatulong ni Gonzalez ang beteranong coach na si Glenn Capacio bilang assistant.
Matatandaan na si Gonzalez ay nagsilbi para sa La Salle bilang lead assistant ni Ayo sa matagumpay na kampanya ng DLSU sa huling dalawang taon kung saan nagawa ng La Salle na angkinin ang titulo noong 2016 at kinapos sa Finals kontra Ateneo nitong 2017.
Assistant coach din ni Ayo si Gonzalez noong iginiya niya sa NCAA basketball crown ang Letran noong 2015. —Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.