BAGO natapos ang 2017 ay mukhang nauso ang laya.
Unang prominenteng lumabas ng kulungan si dating Sen. Jinggoy Estrada.
Nahaharap si Estrada sa kasong plunder, isang non-bailable offense, pero sa pagtingin ng Sandiganbayan Fifth Division ay hindi ganoon kabigat ang ebidensya na naipakita ng prosekusyon kaya pinayagan siyang magpiyansa. Ang kaso ay kaugnay ng pork barrel fund scam.
Pangalawang beses na ito ni Estrada na napayagang magpiyansa sa plunder. Una sa kasong kasama ang kanyang ama na si dating Pangulong Joseph Estrada na binigyan ng pardon ng noon ay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo matapos na hatulang guilty ng Sandiganbayan Special Division.
Kung si Estrada ay nakalabas, ang kumpare niyang si dating Sen. Bong Revilla makakalabas din kaya?
Mukhang magkaiba ang sitwasyon ng dalawa. Kamakailan kasi ay naglabas ng desisyon ang Sandiganbayan First Division at hindi pinayagan ang motion for leave para makapaghain ng demurrer to evidence.
Dahil dito papayagan si Revilla na makapaghain ng demurrer to evidence pero kapag hindi nito nakumbinsi ang korte ay nangangahulugan na magdedesisyon ito nang hindi nakikita ang mga ebidensya na balak ipresinta ni Revilla.
Kaya naghihinay-hinay ngayon ang kampo ni Revilla at baka magkamali sila e sa kangkungan sila pulutin.
Bukod kay Estrada, nakalabas na rin ng kulungan ang aktor na si Mark Anthony Fernandez makalipas ang mahigit isang taong pagkakakulong. Noong Oktubre 2016 siya nahuli sa Pampanga matapos na tangkaing takasan ang isang police checkpoint.
Narekober sa kanya ang isang kilo ng marijuana, ayon sa mga pulis.
Pero ibinasura ng korte ang kaso dahil kulang ang ebidensya.
Bago natapos ang 2017, nakalabas na si Fernandez, na anak ni Rudy Fernandez na kumpare rin ni Estrada.
Hinaing naman ng isang ina na nawalan ng anak matapos na patayin ng riding-in tandem, buti pa daw siya nakulong lang, ‘yung anak niya gramo lang ay kinitil ang buhay.
***
Nakatapos na ng Duterte government ang isang buong taon gamit ang budget na kanilang ginawa.
Kaya makikita na kung paano ang ginawang paggamit ng pera ng bayan ng kasalukuyang gobyerno. Marami na ang nag-aabang lalo at marami pa rin naming problema ang hindi nasosolusyunan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.