Lalaking may sakit patay sa sunog; 6 na sunog naitala sa MM sa Bagong Taon
PATAY ang isang lalaking may sakit matapos sumiklab ang anim na sunog sa Metro Manila mula Linggo ng gabi hanggang madaling araw ng Lunes.
Kinilala ang biktima na si Elmer Lanora, 58, na nakulong sa kanyang bahay sa Caniogan, Pasig City, ayon sa ulat ng Radyo Inquirer.
Ayon sa ulat, may sakit si Lanora at mag-isa lamang nang sumilab ang sunog.
Tinatayang 15 bahay ang nasunog matapos sumiklab ang sunog na umabot ng ika-apat na alarma. Pawang mga gawa sa mga magagaang materyales ang mga nasunog na bahay. Nawalan naman ng bahay ang 30 pamilya.
Umabot sa P2 milyong halaga ng mga ari-arian ang naabo.
Base sa inisyal na imbestigasyon, sinabi Bureau of Fire Protection (BFP) na hindi naman mga paputok ang sanhi ng sunog, bagamat patuloy ang ginagawang pagsisiyasat.
Nasunog din ang isang commercial unit building sa kahabaan ng Alvarado st. sa Binondo, Maynila, matapos matamaan ng mga paputok.
Sinabi ng BFP na sumiklab ang sunog sa gusali ganap na alas-11:53 kamakalawa ng gabi at agad na itinaas sa ikalawang alarma.
Idinagdag ng mga residente na may mga nagpapaputok sa unit-J ng gusaling nasunog.
Nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang sunog dahil sa imbakan ng tela ang ang unit. Nasunog din ang katabing warehouse.
Makalipas ang ilang minuto, sumiklab ang isa pang sunog sa isang residential area sa Sta. Rosa Street, Barangay 19, Zone 2 sa Tondo, Maynila.
Sumiklab ang sunog ganap na alas-12:18 ng umaga na naapula ganap na ala-1:30 ng umaga.
Samantala, nasunog din ang isang barracks ng isang construction site sa kanto ng Sagittarius st. at Asteroid st. sa Remarville, Barangay Bagbag, Quezon City, ganap na alas-10 ng gabi matapos bumagsak ang isang kwitis sa istraktura, na gawa sa magagaang materyales.
Idineklara ng BFP na naapula ang apoy ganap na alas- 12:40 ng umaga.
Nakapagtala rin ang mga otoridad ng dalawa pang maliliit na sunog sa Sangandaan, Caloocan City at Guadalupe Viejo sa Makati City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.