HANGGANG sa katapusan na lang ng taon ang termino ni Atty. Chito Narvasa bilang commissioner ng Philippine Basketball Association (PBA) matapos na magbitiw siya noong Disyembre 17 ilang oras bago nagbukas ang 43rd season ng liga.
Sa kasalukuyan ay si Willie Marcial ang officer-in-charge ng PBA at siyang mamamahala sa affairs ng liga habang naghahanap ng kapalit ang isang search committee.
Hindi naman nagmamadali ang search committee na ito. Sinasabing hanggang sa umpisa ng Commissioner’s Cup ang timetable sa pagnombra ng kahalili ni Narvasa.
Kasi nga ay kailangang makakuha sila ng taong swak na swak sa posisyon at may angking kakayahan.
Maraming mga candidates. Nandiyan ang dating Sta. Lucia legal counsel na si Atty. Ariel Magno. Nandiyan ang dating Coca-Cola team manager na si JB Baylon. Nandiyan ang mga sportscasters na sina Bill Velasco at Atty. Charlie Cuna.
Pero may isang sektor na nagmumungkahi na bakit daw hindi tingnan ang posibilidad na italaga bilang commissioner si Joseller “Yeng” Guiao?
Matindi ang personalidad ni Yeng. At dati siyang naging commissioner ng Philippine Basketball League (PBL).
Nagbalik lang siya sa basketball nng umakyat sa PBA ang Red Bull at kunin siyang coach.
Pero bilang commissioner, hindi mo mapupulaan si Guiao. Hindi siya garapal. Hindi siya ‘yung yumayapak sa mga nasasakupan niya. Marunong siyang gumamit ng diplomasya at mapasunod niya ang mga referees.
Puwede, hindi ba?
Ang tanong: Pakakawalan ba ng NLEX kung sakali si Guiao upang maging Commissioner?
Ang tanong: Interesado ba si Guiao? Tatanggapin ba niya ang posisyon kung iaalok sa kanya?
Kasi ang alam ng karamihan ay lumipat si Guiao sa NLEX buhat sa Rain or Shine bilang paghahanda sa pagresbak niya sa 2019 elections kung saan tatakbo siya ulit para Congressman. Malaki ang maitutulong ng NLEX sa kanya dahil tumatagos ito sa Pampanga.
Kung magiging commissioner siya, pareho ba ang exposure na makukuha niya? O baka makasama pa sa kanyang image kung hindi niya maayos kaagad ang liga hanggang sa 2019 elections?
As it is, parang mas attainable ang goal na mabitbit sa Finals ang NLEX Road Warriors sa taong ito. At kung susuwertehin, baka puwede silang magkampeon kasi maganda ang materyales ng koponan.
So kung maganda ang rehistro ng NLEX, natural na magiging maganda ang rehistro ni Guiao.
So bakit niya tatanggapin ang posisyon bilang commissioner?
For the love of the league and of basketball, marahil!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.