Bandera 2017 Athletes of the Year: Tabora, Biado, Ancajas
TRADISYON na sa BANDERA sa pagtatapos ng taon ang magbigay-pugay sa mga atletang nagbigay karangalan sa bayan sa nakalipas na sa 12 buwan.
Ang karangalang ito ay ibinibigay ng BANDERA SPORTS sa mga atletang Pinoy na nagpunyagi sa pandaigdigang laban at nagpakita ng kakaibang tatag at husay na kahanga-hanga at kapupulutan ng inspirasyon ng sambayanan.
Sa taong ito, hindi lamang isa kundi tatlo ang ating pararangalan.
Ang Bandera Athletes of the Year sa taong 2017 ay sina Bowling World Cup women’s champion Krizziah Lyn Tabora, 2017 World 9-Ball Championship, 2017 World Games at 29th Southeast Asian Games men’s 9-ball gold medalist Carlo Biado at ang International Boxing Federation super flyweight/junior bantamweight champion na si Jerwin Ancajas na tatlong beses na naidepensa ang kanyang titulo sa banyagang lugar.
Krizziah Lyn Tabora
World bowling queen
Sumabak na si Tabora sa Bowling World Cup noong 2012 pero hindi ito nagtagumpay.
Sa taong ito, pinatunayan ng Philippine national bowling team mainstay na powerhouse pa rin sa sport na ito ang Pilipinas matapos na mauwi ang women’s title sa 53rd QubicaAMF Bowling World Cup sa Hermosillo, Mexico nitong Nobyembre.
Pinatalsik muna ni Tabora si Rocio Restrepo ng Colombia, 249-222, sa semifinals para ikasa ang finals duel kay Siti Safiyah ng Malaysia na sinibak naman si defending champion Jenny Wegner ng Sweden, 227-197.
Hindi nagpasindak ang 26-anyos na Pinay bowler sa katunggaling Malaysian kung saan bumitaw ito ng mga strike sa ikalima hanggang ikasiyam na frame para itatag ang 167-133 bentahe. Sa ika-10 frame ay naghulog ng spare si
Tabora bago isinara ang laban sa pamamagitan ng strike para magwagi sa iskor na 236-191.
“I know people at home have been watching on the live streaming and I’ve already got lots of notifications from friends and family. It has been a good year for me. Our ladies team won bronze in the SEA Games and then we got silver in the Asian Indoor Games. But this is far and away the best,” sabi Tabora sa ulat na lumabas sa quibicaamf.com,
Ang pagwawagi ni Tabora ay nagbigay sa Pilipinas ng ikawalo nitong World Cup title at sinundan nito ang tagumpay na itinala ni CJ Suarez noong 2003.
Sinamahan din ni Tabora ang mga bowling legend na sina Lita dela Rosa at Bong Coo na nagwagi rin ng World Cup women’s division crown at ito rin ang kauna-unahan para sa isang Pinay matapos ang 38 taon.
Nagwagi din si Tabora ng bronze medal sa women’s team of five sa 29th Southeast Asian Games at silver medal sa women’s team of four sa Asian Indoor and Martial Arts Games.
Carlo Biado
Bagong hari ng bilyar
Tila sumusunod si Biado sa yapak nina Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante, Ronato Alcano at Dennis Orcullo.
Naging maganda ang taong 2017 para kay Biado matapos na magtala ng tatlong tagumpay sa larangan ng billiards.
Pinakamalaki rito ang nakamit niyang tagumpay noong Disyembre 14 sa 2017 World Pool (9-Ball) Championship sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Nilampaso ni Biado ang kababayang si Roland Garcia, 13-5, sa kanilang all-Filipino Finals duel para makopo ang prestihiyosong korona.
Bunga ng panalo, nauwi ng 34-anyos na si Biado ang $30,000 (P1.8 milyon) champion’s prize at naging ikaapat na Filipino pool player na naghari sa nasabing event kasunod nina Reyes (1999), Alcano (2006) at Bustamante (2010). Nanalo rin dito noong 2004 ang Filipino-Canadian na si Alex Pagulayan pero bitbit niya noon ang bandera ng Canada.
Gumawa rin ng kasaysayan si Biado nang makuha ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa World Games na ginanap sa Wroclaw, Poland noong Hulyo 30. Ito ay matapos na manaig ang 33-anyos na si Biado sa men’s 9-ball finals laban kay Jayson Shaw ng Great Britain, 11-7.
Ito ang naging unang pinakamalaking tagumpay ni Biado, na nagtapos na runner-up sa 2015 WPA 10-Ball World Championship.
Tinabunan din nito ang nakamit ni Dennis Orcullo, na inuwi ang unang medalya ng bansa sa World Games na tansong medalya sa men’s 9-ball sa 2014 edisyon ng kada-apat na taong multi-sports event na ginanap sa Cali, Colombia.
Sinundan ito ni Biado ng isa pang magandang tagumpay sa men’s 9-ball event ng 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Agosto.
Jerwin Ancajas
Boxing champion
Ngayong bihira nang lumaban sa boxing ang tinitingalang si Manny Pacquiao ay tila gutom na gutom na makakita ng bagong kampeon ang mga Pilipino.
Isa si Jerwin “Pretty Boy” Ancajas ang maituturing na bagong superstar ng Philippine boxing.
At bakit naman hindi?
Pinatunayan niya ito nang matagumpay siya sa tatlong title defense ng kanyang hawak na IBF super flyweight/junior bantamweight belt ngayong taon na lahat ay ginanap sa labas ng bansa.
Matapos na maagaw ng 25-anyos na si Ancajas kay McJoe Arroyo ng Puerto Rico ang titulo noong Setyembre 2016, ay sumalang siya sa kanyang unang title defense laban kay Jose Alfredo Rodriguez ng Mexico sa Macau noong Enero 29.
Sumuko ang Mexican challenger sa kanilang laban matapos ang ikapitong round.
Sinundan ito ng tubong-Panabo City ng knockout win kay Teiru Kinoshita ng Japan sa ikapitong round sa Brisbane, Australia noong Hulyo 2.
Muling nagpakita ng dominanteng pakikipaglaban si Ancajas sa kanyang ikatlong title defense laban sa Irishman na si Jamie Conlan sa Belfast, Northen Ireland nitong Nobyembre 18.
Tatlong beses na pinatumba ni Ancajas si Conlan bago tuluyang itinigil ng referee ang laban sa ikaanim na round.
Bunga ng itinalang sixth-round technical knockout win kay Conlan, pinaangat ni Ancajas ang kanyang kartada sa 28-1-1 kabilang ang 19 KO wins.
Nakatakdang itaya ni Ancajas ang kanyang korona sa Pebrero 2018 laban kay Naoya Inoue ng Japan at ito ay gaganapin sa Estados Unidos. —Melvin Sarangay
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.