‘Deadma Walking’ nina Joross at EA hindi lang puro kabaklaan
ANG ganda-ganda ng mga naririnig naming komento mula sa aming mga kaibigan tungkol sa pelikulang “Deadma Walking” na pinagbibidahan nina Joross Gamboa at Edgar Allan Guzman.
Sabi ni prop, isa sa mga unang-unang nanood ng pelikulang lahok sa MMFF, “Magagaling sina Joross at Edgar Allan, nakakatuwang napunta sa kanila ang project na ito.
“Mga tunay na lalaki silang gumaganap na becki, pero grabe silang umarte, daig pa nila ang mga tunay na bading! Saka maganda ang movie, kakaiba ito, para nga silang nag-eksperimento sa ginawa nilang pelikula, e!
“Tatawa ka nang tatawa dahil magagaling silang komedyante, pero may mga panahong makikita mo na lang ang sarili mong umiiyak. Ganu’n ka-contagious ang pelikula, tatawanan at iiyakan mo,” papuri ng kaibigan naming propesor na sumasaludo sa pagganap nina Edgar Allan at Joross.
Ayon sa mga unang nakapanood ng “Deadma Walking” ay pang-best actor ang ipinakitang pagganap ni EA Guzman. Umaasa rin ang mga nakakausap namin na sana’y bigyan ng pagkakataon ng ating mga kababayan ang ganu’ng klase ng pelikula dahil nakapanghihinayang itong palampasin.
Dati nang magkatrabaho sina Joross at Edgar Allan, mahaba na ang kanilang pinagsamahan, dahil nu’ng kasagsagan ng career ni Joross mula sa Star Circle Quest ay back-up dancers nito sina EA at Gerald Anderson.
Sabi ng magaling na aktor na regular naming napapanood sa La Luna Sangre, “May magandang lesson po ang movie. Na hanggang nabubuhay pa ang mga taong malapit sa ating puso, e, sabihin na nating mahal natin sila.
“Habang may natitira pang panahon, e, magkapatawaran na tayo dahil hindi natin alam kung kailan tayo aalis sa mundo,” sinserong imbitasyon ni Joross Gamboa sa ating mga kababayan para panoorin ang “Deadma Walking.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.