Award-winning na mediaman ‘banal na aso’ pala
MAS magandang basahin ang ating Wacky Leaks ngayong araw na ito habang nakikinig kayo sa awit ng Yano na “Banal na Aso, Santong Kabayo.”
Isang kilalang mediaman ang bida sa ating kwento ngayong araw.
Ibang-iba ang kanyang imahe sa publiko sa kanyang tunay na pag-uugali sa kanyang mga katrabaho.
Bukod sa palamura ang mamang ito ay mahilig din siyang manlait sa mga ordinaryong tao sa kanilang sikat na media company.
Wala namang magawa ang mga taong kasamahan niya sa kumpanya kundi ang pakisamahan siya dahil kailangan nila ng trabaho.
Si Sir kasi ang namumuno sa isa sa mga business units sa kanilang malaking media outfit.
Isang araw habang nagwawala sa galit sa mga empleyado ay kanyang sinabi na ganun daw dapat ang lider para ma-motivate ang kanyang mga subordinates.
Kundi ba naman may problema ang mamang ito ay sukat ba naman niyang sabihin na kailangan daw maliitin ang mga taong nakapaligid sa kanya para magsikap at umunlad sa buhay.
Nasabi tuloy ng isa sa kanyang mga tauhan na dapat nga ay magpasalamat si Sir dahil sa kabila ng kanyang itsura ay tinanggap siya ng publiko na naging dahilan pa sa kanyang pagsikat.
Mas nakakaawa nga naman si Sir kundi siya sumikat tapos ganun pa ang itsura niya wika pa ng isang tao na malapit din sa kanya sa nasabing media firm.
Kung alam lang daw ng ilang mga organisasyon ang tunay na ugali ni Sir ay baka bawiin ng mga ito ang ilang mga awards at pagkilala na naibigay sa kanya.
Ngayong panahon ng Kapaskuhan ay naging mainit ang paalala ni Sir sa kanyang mga tauhan na huwag tumanggap ng mga regalo pero kabaliktaran ito sa kanyang ginagawa.
Unang linggo pa lang kasi ng Disyembre ay puno na ng mga regalong tinanggap ang kanyang magandang opisina.
Ang mediaman na palamura at mahilig mam-bully ng mga ordinaryong empleyado sa kanilang media network ay si Mr. M….as in Micro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.