BIFF binomba uli ng AFP sa Cotabato | Bandera

BIFF binomba uli ng AFP sa Cotabato

John Roson - December 19, 2017 - 06:28 PM
Muling nagsagawa ng air strike at artillery shelling ang mga tropa ng pamahalaan laban sa mga “ISIS-inspired” na kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa kasukalan ng Carmen, North Cotabato, Martes, ayon sa mga otoridad. Matapos ang pambobomba, nakasagupa ng ground troops ang BIFF dakong alas-2 ng hapon, at patuloy pa umano ang bakbakan alas-5, sabi ni Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng Cotabato provincial police, gamit bilang basehan ang impormasyong nakarating sa kanyang tanggapan. Sa isang kalatas, sinabi ng Armed Forces Joint Task Force Central na isinagawa ang air strike at ground operations laban sa grupo ni Esmael Abdulmalik alyas “Abu Turaife” sa Brgy. Tonganon. “The operation was conducted to weed out the terrorist group and to free communities from the terror menace brought about by the BIFF,” anang task force. “All safety procedures were undertaken… The targeted areas are far from the local communities,” sabi pa ng JTF Central. Ayon kay Tayong, nagsimula ang air strike dakong alas-3, sa masukal na bahagi ng Tonganon. “After an air strike was conducted, it was followed by artillery fires coming from government forces,” aniya, sabay dagdag na matapos iyo’y nagpadala ng ground troops para magsagawa ng clearing operation. Sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng ground troops at BIFF sa Sitio Misalan, Brgy. Tonganon, pagsapit ng hapon, ani Tayong. Nagsagawa na rin ng air strike at artillery shelling ang mga tropa ng pamahalaan laban sa grupo ni Abdulmalik sa Carmen noong Nobyembre. Di pa makumpirma kung may napatay sa mga naunang operasyon, pero inulat ng militar na nakubkob nito ang isang kuta ng BIFF. Matatandaan na dahil sa mga naunang operasyon ay may nagsilikas na mahigit 2,000 residente. (John Roson) – end –

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending